MAGSASAGAWA ulit ng rehabilitasyon ang pamunuan ng Mines and Goesciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lawa ng Puerto Princesa City.
Napag-alaman kay MGB-Mimaropa Regional Director Engr. Roland de Jesus na ang ikalawang rehabilitasyon ay sa inabandonang lawa na pinagminahan noon ng Palawan Quicksilver Mine Incorporated (PQMI) sa bahagi ng barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa, Palawan.
Ayon sa opisyal, kabilang sa kanilang hakbang ang pagtutok sa kung papaano malalagpasan ang pagkakaroon ng kontaminasyon ng nakalalasong mercury sa lugar.
Kasabay nito, hinimok ng DENR ang iba pang government agencies, gayundin ang Japan Oil, Gas and Metals National Corporation kung paano iti-treat ang naturang mercury contaminated water.
Kabilang sa kanilang tinututukan ang paraan kung paano maipatutupad ang kabuuan ng rebabilitasyon sa pamamagitan ng pag-sasaliksik ng paraan na maresolba ang pinagmulan ng kontaminasyon.
Aniya, ito ang nakikita nilang dahilan kung bakit nagkakaroon ng traces ng mercury ang mga isda sa lugar habang bukas din ang ahensiya sa pagdetermina sa lawak ng panukalang pagpapatupad ng pagbabawal sa pangingisda sa lugar.
Samantala, sinabi naman ni MGB-PQMI Rehabilitation Project Manager Engr. Alvin Requimin na bukas din sila sa mga rekomendasyon na isama ang Barangay San Jose at Bacungan sa ‘sampling points’ upang agad matukoy ang mga lugar na posibleng may kontaminasyon. BENEDICT ABAYGAR, JR.