PINANGAKO ni Vice President Leni Robredo na ang mga nasa laylayan ng lipunan ang magiging sentro ng kanyang pamahalaan sakaling siya ay palarin na maging susunod na Pangulo ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa grand rally sa Naga City noong Martes, ika-8 ng Pebrero, tiniyak ni Robredo na ang kanyang pamahalaan ay makikinig sa mga hinaing ng taumbayan.
“Isang pamahalaang magmamadaling sumaklolo ‘pag dumaing ka, makikipagpuyatan para mapaginhawa ka, lulusong sa baha para iahon ka,” ayon kay Robredo. “Susuotan natin ng tsinelas ang gobyerno at patatawirin sa mga pilapil papunta sa iyo. Sa ating pamamahala, laylayan ang magiging bagong sentro.”
Dagdag pa niya, sa isang tapat na pamumuno, magkakaroon ng maayos na budget para sa tamang pag-aalaga sa kalusugan at edukasyon. Magkakaroon ng trabaho para sa lahat at tulong para sa maliit na mga negosyo.
“Ang unang hakbang sa pangarap nating angat buhay lahat ay ang pagpili ng gobyernong tapat,” sabi ni Robredo. “Alam natin kung paanong maaabot ito– dahil mula pa noong mga panahon na abogado ako para sa mahihirap, hanggang sa Kongreso, hanggang ngayon bilang Pangalawang Pangulo, nakita ko ang naidudulot ng paglilingkod na nakaugat sa katapatan at nakasentro sa laylayan.”
At kahit siya pa ang nag-iisang babaeng kandidato sa pagka-Pangulo sa darating na eleksiyon sa ika-9 ng Mayo, hindi natitinag si Robredo sa laban dahil alam niya na buo rin ang loob ng mga naniniwala sa kanyang kakayahan at nakipagtulungan na ang marami sa kanya sa mga proyekto ng Office of the Vice President (OVP) para makatulong sa maraming nangangailangan.
“Hindi ako natatakot. Hindi ako kinakabahan, dahil nang tinawag ko kayong gisingin ang natutulog pang lakas, buong-buo ang naging tugon ninyo: Tumulong kayo sa nangangailangan, pinakain ang nagugutom, nagbigay-lingap sa nasalanta at may sakit, nakinig sa kuwento ng bawat Pilipinong dumadaing at naghahanap ng kasangga sa kanilang mga suliranin,” sinabi ni Robredo.
Nag-ikot si Robredo kasama ang kanyang running mate na si Senador Kiko Pangilinan at kanilang mga kandidato pagka-senador sa iba’t ibang bayan ng Camarines Sur buong Martes, ang opisyal na simula ng kampanya para sa May 9 national elections.
Tubong Naga City si Robredo at dito rin niya nakilala ang kanyang naging asawa na si Jesse Robredo na naging mayor ng Naga. Namatay si Jesse Robredo nang bumagsak ang kanyang sinasakyang eroplano noong Agosto 2012. Nang panahon na iyon, siya ay miyembro ng Gabinete ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino.
Nang mayor pa si Jesse Robredo, naayos niya ang Naga City at naayos ang uri ng pulitika, Nawala ang korupsiyon at tunay na nagkaroon ng tinig ang mga tao sa pamamahala sa pamamagitan ng mga People’s Councils.
Ito ang gustong gawin ni Leni Robredo sa buong bansa kapag siya ay naging Pangulo.
Tinuloy ni Robredo ang pangangampanya sa Bicol, ang kanyang balwarte, Miyerkoles, ika-9 ng Pebrero.
Pumunta siya ng Camarines Norte at Sorsogon.
Sa Daet, Camarines Norte, sinabi ni Robredo sa kanyang mga tagasuporta na ang darating na eleksiyon ay ang pagkakataon nilang palitan ang luma at bulok na uri ng pulitika.