LAYUNIN NG CARPOOLING SA EDSA PASUSUPORTAHAN SA SENADO

CARPOOLING

MAKIKIPAGDIYALOGO ang Metro Manila Council (MMC) sa mga senador upang mailatag sa mga mambabatas ang magandang epekto ng carpooling gayundin ang pagbabawal na dumaan sa EDSA na ang driver lamang ang sakay.

Ito ay napag-alaman kay Bong Nebrija, supervising operations officer ng Metropolitan Manila Development Authority  (MMDA), na ang mga mi­yembro ng MMC na kinabibilangan ng mga alkalde sa buong Metro Manila ay nakatakdang ipresinta sa mga senador itong buwan na ito ang positibo at magandang epekto ng naturang traffic scheme.

“They will present carpooling para malaman nila that is also a kind of a traffic reduction measure needed on EDSA especially these ‘ber’ months,” ani Nebrija.

Ayon kay Nebrija, malaki ang posibilidad na sa buwang ito magaganap ang diyalogo sa pagitan ng mga senador at ng MMC dahil sa patuloy na pagkuha ng availability sa schedule ng mga senador o dili kaya ay kapag natapos na ang tension o issue tungkol kay Senator Antonio Trillanes.

Dagdag pa ni Nebrija, sa kasalukuyan ay naka-focus sila sa pagsasagawa ng kanilang pagmamantina sa daloy ng trapiko kapag nasimulan na ang rehabilitasyon ng tatlong lumang tulay na kinabibilagan ng Old Santa Mesa Bridge, Mabini Flyover at Nagtahan Bridge.

Paliwanag pa ni Nebrija na isa sa kanilang ginagawang hakbangin para aniya magkaroon ng traffic reduction sa Metro Manila ay ang kanilang patuloy na pagsasagawa ng araw-araw na clearing operation.

Muling pinaalalahanan ang mga motorista at commuters na makararanas ang mga ito ng matinding trapik sa darating na Sabado (Setyembre 15) dahil na rin sa ipatutupad na rehabili­tasyon sa mga nabanggit na isasaayos na tulay. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.