(Le Tour de Filipinas) PADYAKAN NA!

le tour

MAY 75 veteran at battle-tested cyclists mula sa 15 koponan, sa ­pangunguna ni defending champion El Joshua Carino, ang magpapaligsahan sa pagpadyak sa 10th Le Tour de Filipinas simula ngayong araw.

Ang 159.50-kilometer first stage ay mag-uumpisa sa Convention Center at magtatapos sa Palace in the Sky sa Tagaytay City kung saan papuputukin ni Philcycling president at POC chairman Cavite Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang starting gun.

Inamin ni Carino na mahirap ang kanyang pagdaraanan para maidepensa ang korona dahil mabibigat ang mga kalaban at hindi niya kilala ang mga foreign rival sa limang araw na category 2.2 bikathon na may basbas ng International Cycling Union at Philippine Cycling Federation.

“Pinaghandaan ko ito nang husto. Matagal at araw-araw ang ensayo ko para physically and mentally prepared. Nakahanda akong harapin ang lahat ng challenges at balakid sa aking daraanan tungo sa pangalawang korona,” sabi ni Carino.

Sakay ng kanyang bagong locally assembled bike na nagkakahalaga ng  P300,000, gagamitin ni Carino ang kanyang galing at malawak na karanasan sa akyatan na nakuha niya sa pagsali sa karera sa Spain, Germany at Netherlands.

Dala ni Carino ang bandila ng 7/11, kasama sina equally battle-tested at newly-crowned PruLife Tour champion Marcelo Felipe at Dominic Perez, sa paggabay ni coach at dating tour veteran Reindhart Gorantes.

Hindi lang mga foreign cyclist ang babantayan ni Carino, kundi maging sina dating Le Tour champion at Hawaii Invitational winner Mark John Lexe Galedo at Asian Games veteran Ronald Oranza na determinadong agawin sa kanya ang korona sa karera na magdadala sa mga siklista sa pitong lalawigan – Cavite, Batangas, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon at Albay sa Bicol.

Si Galedo ay kakarera para sa Celeste cycling team na gagabayan ni dating tour veteran Eusebio Quinones.

Ayon kay Carino, ang China at Malaysia ang mabigat na kalaban dahil ensayado sila. CLYDE MARIANO

Comments are closed.