SINUPORTAHAN ni Broadway diva Lea Salonga ang panawagan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ayudahan ang mga negosyo na nasa premier city ng Filipinas dahil sa malubhang epekto ng COVID-19 pandemic sa pamumuhay at kalakalan.
Ipinakita ni Lea ang kanyang suporta para sa kampanya ng pamahalaang lungsod na “Manila Support Local” at pag-eendorso niya sa gaganaping “Manila Restaurant Week” na kanyang ipinarating sa weekly Facebook Live program “The Capital Report” ni Isko Moreno.
“Napansin ko may mga restaurant sa amin na sarado, na walang mga pumapasok na mga customer; so I felt that it is important to support whatever effort na meron para ang mga negosyante ay matulungan,” pahayag ni Lea Salonga sa alkalde.
“It is important na kahit papaano makatulong, to help encourage businesses, to help businesses stay open. Kasi right now I think everybody is hit financially, economically, maraming mga negosyo na talagang natatamaan dahil sa pandemya, ‘di na sila napupuntahan,” dagdag pa ni Lea.
Dahil dito ay pinasalamatan ng alkalde si Salonga sa pagsuporta nito sa kanyang mga napasimulan.
Magsisilbing special guest si Lea sa grand launching ng “Manila Restaurant Week” ngayong linggo at inaasahang aawitin nito ang kanyang original song na ‘Dream Again.’
“Kami po talaga in our own little way, we try to support our local businesses in the City of Manila. If there’s business, there is employment. Basta patuloy kayong sumunod sa alituntuning pinapatupad ng DOH at ng inyong Manila Health Department,” anang alkalde. VERLIN RUIZ
Comments are closed.