“SA ngalan ng integridad at delicadeza, nararapat lang na mag-inhibit sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) si Oriental Mindoro 1st District Representative Paulino Salvador Leachon dahil sa electoral protest na nakasumite laban sa kanya.”
Ito ang pahayag ni Marilou Morillo, kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas sa Unang Distrito ng Oriental Mindoro noong nakaraang halalan ng Mayo 2019.
Si Morillo ay naghain ng electoral protest sa HRET laban kay Leachon noong Hulyo dahil sa hindi maipaliwanag na technical errors ng mga vote counting machine (VCM) at mga depektibong SD cards na nagresulta sa pagka-delay ng pagsusumite ng resulta ng eleksiyon mula sa precinct level hanggang sa Provincial Board of canvassers.
Ani Morillo, “dahil sa mga technical error ng VCMs, ang resulta ng eleksiyon ay naging kaduda-duda kung ito ba ay intensiyonal sa layong mamanipula ang eleksiyon pabor kay Leachon. Ano ngayon ang magiging integridad ng HRET at paano namin matitiyak na walang pagkiling sa magiging desisyon kung si Leachon na chairman ng HRET ang didinig sa kaso laban sa kanya, kaya hinihiling namin ang pag-iinhibit niya sa electoral tribunal.”
Pagdidiin ni Morillo na matapos ang pagsusumite ng kanilang protesta laban kay Leachon, “nagmadali itong makuha ang posisyon sa HRET. Ano ang agenda na pinag-interesan niyang makuha ang posisyon sa HRET? Hindi kaya dahil may plano siyang manipulahin ang maaring maging resulta sa aming protesta pabor sa kanya? Maging ang kanyang mga kapartido ay dismayado sa kanya dahil matapos niyang makuha ang posisyon ay inabandona niya ang kanyang mga kasama sa PDP-Laban. Kung mayroon siyang delicadeza, dapat na siyang mag-inhibit sa puwesto at para na rin hindi mabahiran ng pagdududa ang maaring magiging desisyon ng electoral tribunal.”
Sa isinumiteng electoral protest sa HRET, hiniling ni Morillo ang vote recount at pagbawi sa proklamasyon kay Leachon bilang representante sa unang distrito ng Oriental Mindoro.
Comments are closed.