BATANGAS – NAPASLANG ang lider ng gun-for-hire group at dalawang tauhan nito kasunod ng naganap na engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at mga sinasabing hired killer sa isang checkpoint sa Taysan.
Sinabi ni PNP Police Regional Office 4A Director Edward Carranza, nangyari ang sagupaan bandang alas-9:15 ng umaga noong Huwebes sa Barangay Bilogo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Solomon L. Panal, lider ng grupo, Virgilio C. Hernandez at Efren M. Cruzada.
Ayon kay Carranza, miyembro ng Solomon Panal Group ang mga suspek na sangkot sa gun-for-hire at robbery in band sa Batangas, Bulacan, Pampanga at maging sa Metro Manila.
Lumilitaw na naglatag ng checkpoint ang pinagsanib na puwersa ng Batangas PPO, Police Intelligence Bureau/Provincial Police Drug Enforcement Unit at Taysan MPS laban sa mga nasabing gun-for-hire personalities .
Sakay ang mga suspek ng kulay gray Toyota Hi-Ace na may plate number na RDJ 679 at habang papalapit sa checkpoint ay biglang pinahagibis ang kanilang sasakyan at hindi tumigil ng parahin ang mga ito.
Nauwi ito sa palitan ng putok ng pagbabarilin ng mga suspek ang sasakyan ng mga pulis na bumubuntot sa kanila. VERLIN RUIZ
Comments are closed.