LEADER NG POULTRY INDUSTRY DISMAYADO SA PATULOY NA KAWALAN NG BAKUNA VS BIRD FLU

DISMAYADO  ang isang mataas na opisyal ng poultry industry sa pamahalaan bunga ng patuloy na pagkabigo na tumugon sa paulit ulit nilang panawagan na magkaroon ng bakuna para sa mga manok sa bansa dahil sa maaari aniyang maging malaking pinsala at perwisyong idudulot ng kawalan nito sa food chain sakaling tamaan ng avian influenza (AI) o bird flu ang kanilang mga alaga.

“If it’s going to take another year or two, we are moving on a dangerous ground.Paano kung pumasok na naman or there is a new (bird flu) outbreak,”ang sabi ni Elias Jose Inciong, presidente ng United Brolier Raisers’ Association (UBRA) sa isang panayam sa media.

Nagkaroon na rin ng kaparehas na panawagan sa taong 2023 si Inciong sa pamahalaan habang ipinapaliwanag na dapat tularan ng Pilipinas ang isinasagawang hakbang ng ibang bansa upang protektahan ang produksyon ng poultry industry.

“The sooner they make the process work.Those who want to bring in the vaccine we are more than willing to go through the process (to avail),” sabi ni Inciong.

Ayon kay Inciong, ang pagkakaroon ng bakuna upang kontrahin ang posibleng outbreak ng bird flu ay isinasagawa ng mga karatig bansa ng Pilipinas tulad ng Indonesia, Malaysia, Thailand at iba pa.

“In the meantime that we are all right.In the mean time that we do not have problem, this should be the time na we are accelerating the availability of vaccines,”sabi ni Inciong.

Giit ni Inciong, matagal na nila itong ipinapakiusap sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) Administration at Bureau of Animal Industry (BAI).

”We had been waiting for this for the last year and a half.So far it is a major disappointment.I hope they will take steps vis a vis the agricultural sector,” sabi ni Inciong.

Ang bansa ay nakapagtala na rin ng avian influenza (AI) o bird flu sa dalawang rehiyon, dalawang lalawigan, apat na munisipalidad at pitong barangay ng Mayo 2023, ayon sa Bureau of Animal Industry, subalit ang ipinagtataka ng mga industry leader, ay nananatili umano ang kawalan ng hakbang o pag -endorso ng ahensya sa pagkakaroon ng bakuna bagama’t nagkaroon na ng mga insidente ng bird flu virus sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay stable ang industriya ng manok bagamat may bahagyang pagtaas sa farm gate price ng mga manok dahil sa mataas na demand nito sa mga umiiwas sa pagbili ng mga karne ng baboy na umaabot na sa mahigit P400 ang kada kilo.

Bukod dito ay dumami ang bumibili ng manok dahil sa kabi kabilang pagdiriwang sa bansa tulad ng mga graduation.

At ito ay dahil din umano sa mas mura ang presyo kada kilo ng manok na naglalaro lamang sa P160 hanggang P220 kada kilo kumpara sa karne ng baboy na umaabot na ng mahigit P400.

Tumaas ang presyo ng manok

Naglalaro sa ngayon sa P160 hanggang P220 kada kilo ang presyo ng manok sa pamilihan batay sa monitoring ng DA.

Ayon sa UBRA leader umabot na sa P125 kada kilo ang farm gate price ngayon ng manok mula sa dating P90 kada kilo hanggang P95 kada kilo mula noong Oktubre 2023 hanggang Abril 2024.

Subalit maituturing pa rin na “stable “ ang retail price nito sa merkado na naglalaro lamang sa P180 hanggang mahigit P200 kada kilo.
Ma. Luisa Garcia