BUHAT sa tatlong araw na state visit sa Malaysia, tumulak naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong Cebu nitong Biyernes, Hulyo 28.
Dumalo kasi siya sa ikatlong APEC Business Advisory Council Meeting (ABAC III).
Sa event, binigyang-diin ni PBBM ang dedikasyon ng kanyang administrasyon na abutin ang mga pang-matagalang layunin na nakasaad sa Philippine Development Plan (PDP).
Aba’y siyempre, ito’y sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga sektor sa bansa gaya ng akrikultura, turismo, kalusugan at edukasyon.
Inihayag niya roon ang kahalagahan ng pribadong sektor sa kaunlaran, pati na rin sa pagtugon sa epekto ng pagbabago ng klima.
“Opportunities abound for our people if APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) preserves its strength as an incubator of ideas, driven in large part by the significant contributions of ABAC and the dynamism of the business community in our region,” punto ng Pangulo.
Ipinanawagan niya ang pagkakaroon ng mga praktikal na solusyon at mga responsableng business standards, gayundin ang pagbibigay-kakayahan sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) para sa kanilang partisipasyon sa digital economy.
May nakaamba raw na mga oportunidad sa Industry 4.0 (Fourth Industrial Revolution) at clean economy transition na maaaring samantalahin ng APEC members.
Sa panig ng Pilipinas, ipinagmalaki ni Marcos ang kasalukuyang mga inisyatibo ng pamahalaan.
Naglatag aniya ang gobyerno ng roadmaps para makopo ang mga oportunidad na ito at matugunan ang mga nakaatang na hamon.
“Establishing a dynamic and innovative ecosystem is one of the cross-cutting strategies in our transformation agenda,” pahayag niya sa pagtitipon.
Nabanggit din ni Marcos na noong nakaraang buwan ay sinertipikahang ‘urgent’ ng pamahalaan ang Public-Private Partnership Act.
Mula sa ABAC III, pinangunahan naman ni Marcos ang inagurasyon ng National Museum of the Philippines (NMP) sa Old Customs House sa Plaza Independencia, Cebu City.
Dumalo rin sa aktibidad sina First Lady Liza Araneta-Marcos, Tourism Sec. Christina Frasco, at ilang local officials.
Sinasabing bukas na sa publiko ang museo kung saan makikita rito ang iba’t ibang koleksyon, artworks, at artifacts.