NAGSAGAWA ng dry-run kahapon ang Department of Education (DepEd) sa Las Piñas Schools Division sa pamamagitan ng pamamahagi ng learner’s packages sa mga estudyante sa ilalim ng blended learning program ng gobyerno para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar, tinanggap ng mga magulang ang kasunduan sa pagtuturo at talaan ng gabay mula sa mga guro ng Golden Acres Elementary School (GAES) at Las Piñas East National High School (LPENHS) kung saan ginanap ang naturang dry-run.
Sinabi ni Aguilar, namahagi ang lokal na pamahalaan ng modules sa 25 estudyante sa Kinder at 45 na estudyante naman sa Grade 6 sa GAES samantalang 65 na pawang mga Grade 10 na estudyante naman ang nakatanggap sa LPENHS.
Dagdag pa ng alkalde, 43 na public schools sa lungsod ang sabay-sabay na nag-simulate upang alamin ang kahandaan ng bawat paaralan sa lungsod.
Sa 43 public schools, napag-alaman kay Aguilar na 6 na paaralan na kinabibilangan ng Gatchalian Elementary School (GES), Gatchalian High School (GHS), Talon 3 Elementary School (T3ES), TechVoc High School (TVHS), Almanza High School (AHS) at ang Las Piñas East Talon Village Annex (LPEATVA) ang hindi nakasabay sa pag-simulate dahil sa kanilang mga health considerations na dapat na madis-infect muna ang mga ito.
Nagbigay rin ng garantiya si Aguilar na bago mag-umpisa ang pagsisimula ng klase ay maipamamahagi na ang modules sa iba’t ibang paaralan sa lungsod dahil kabilang na ito sa nakalaang pondo na kukunin sa Special Education Fund (SEF) na nagkakahalaga ng P300 milyon.
Sa usapin naman ng enrolment, ipinaliwanag ni Las Piñas City Administrator Rey Balagulan na umabot lamang sa 91,873 o 94.65 porsiyento ang nakapagpa-enrol kumpara noong nakaraang taon na kung saan umabot sa 100 porsiyento.
Gayunpaman, umaasa si Balagulan na makukumpleto ang enrolment dahil mayroon pa namang natitirang mahigit tatlong linggo bago magsimula ang pagbubukas ng klase sa lungsod.
Ani Balagulan, nag-allot din ng pondo ang para sa internet connectivity at pocket wifi ng mga guro para sa kanilang pagtuturo online.
At para naman sa mga bata na walang kakayahan para sa internet connectivity ay magpo-procure ng risograph machines ang lokal na pamahalaan para roon iimprenta ang modules samantalang ang mga worksheet naman na ipinaimprenta ng lungsod ay kinuha sa pondo ng SEF. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.