NITO lamang nakaraang linggo, niratipikahan na natin sa Senado ang bicameral conference committee report hinggil sa Inclusive Education Act na naglalayong pagtibayin ang batas na nag-aatas na ibilang sa services for learners ng sektor edukasyon ang mga mag-aaral na may kapansanan o Learners with Disabilities (LWDs) sa buong bansa.
Ilang taon pong nabimbin ang panukalang ‘yan at isa ang aking namayapang ama, si dating Senate President Ed Angara sa mga nagtulak ng batas na ‘yan, ilang taon na ang nakararaan. Binuhay ni Senator Pia Cayetano ang panukalang ito at naglagay ng karagdang probisyon, pero tulad ng dati, nabimbin pa rin.
Tayo naman, sinimulan nating itulak ang ating bersiyon noon pang 2013, nung bago pa lang tayong senador, at nabigyang pagkakataon lamang na muling umarangkada sa pamamagitan ni Senator Win Gatchalian na chairman ng Senate Basic Education Committee. Ngayon, lagda na lang ni Pangulong Duterte ang hinihintay ng panukalang ito.
Dumaan sa napakaraming public hearings at technical working group meetings ang proposisyong ito, at tinalakay rin nang makailang ulit ng Senate and House panels. At sa wakas, pumasa sa pagkakataong ito at posibleng maisabatas sa lalong madaling panahon.
Nakasentro ang panukalang ito sa pag-aatas sa lahat ng early at basic education schools, mapa-pribado man o pampubliko na tanggapin sa kani-kanilang paaralan ang mga LWD at bigyan ng patas na pagtrato at dekalidad na edukasyon. Walang LWD na tatanggihan. Ito ang sinisiguro natin sa batas na ito.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag ng Inclusive Learning Resource Centers o ILRCs sa buong bansa. Ito ang dating Special Education o SPED Centers na kailangang maitayo sa bawat school district, sa mga munisipalidad at sa mga lungsod.
Inaatasan din sa ilalim ng batas na ito ang ILRCs na magkaloob ng libreng “inclusive education” programs and support services sa LWDs tulad ng expert diagnoses at multi-disciplinary assessments; ang pormulasyon at pagpapatupad ng “individualized education plans” o IEPs na siyang mangangasiwa sa mga pangunahing pangangailangan ng LWDs. Kabilang din po riyan ang pagkakaloob ng mga nauukol na learning materials, modules, training and capacity-building programs para sa basic education teachers, administrators at iba pang mga kinuukulang may kinalaman sa pagsusulong sa kapakanan ng ating LWDs.
Nakasaad din po sa panukala ang pagtatatag ng Child Find System o CFS. Sa pamamagitan naman nito, matutukoy natin ang kinaroroonan at ang pagkakakilanlan ng LWDs na nagkakaedad nang hindi hihigit sa 24 anyos.
Layunin natin dito na mas mapalawak ang inclusivity ng ating learners with disabilities at mabigyan sila ng kaukulang edukasyon.
Sa totoo lang, dahil sa kasalukuyang pandemya, marami sa mga mag-aaral natin, mga regular na mag-aaral ang dumaranas ngayon ng krisis – hirap na hirap na makapag-adjust sa bagong sistema ng pag-aaral.
Kung ang mga regular nating mag-aaral ay dumaranas ng ganitong kalituhan o hirap, paano na lang ang mga LWD natin?
Sa nagdaang SY 2019-2020, kulang-kulang 94,000 LWDs ang nakapag-enrol sa DepEd schools – nakalulungkot na bumagsak ito ng 74 percent mula sa pre-pandemic levels.
Sa mga ganitong pagkakataon, mas kinakailangan natin ang dagdag na tulong para masigurong hindi maiiwan ang LWDs. At ito ang isasakatuparan ng ating Inclusive Education Act. Kaya tayo po ay nagpapasalamat sa ating kaibigan at Senate seatmate na si Sen. Win Gatchalian dahil sa pagtutok na maipasa ang batas na ito.