WALA na umanong ibang pagpipilian si Negros Oriental Rep. Arnie Teves kundi ang umuwi ng bansa at harapin ang mga alegasyong kinakaharap kaugnay ng karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Ruel Degamo at siyam na iba pa noong nakaraang linggo.
Ito ay matapos na ibasura ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahilingan ni Teves na mabigyan siya ng isang linggong leave extension kasunod ng pag-expire na ng kanyang travel authority noong Marso 9.
Si Teves, na ang pangalan ay nakakaladkad sa brutal na pagpatay kay Degamo, ay napaulat na kasalukuyang nasa Estados Unidos.
Ayon kay Speaker Romualdez, humihingi si Teves ng isang linggo pang leave extension ngunit hindi niya ito pinagbigyan. Sa halip, pinayuhan niya ito na umuwi na lamang sa lalong madaling panahon.
Nangangahulugan aniya ito na ang biyahe sa labas ng bansa ni Teves na lampas sa Marso 9, ay hindi na otorisado ng House of Representatives at ang tanging opsiyon nito ay umuwi na lamang.
“Rep. Arnie Teves has asked for a leave extension but I advised him to come back the country as soon as possible,” ani Speaker Romualdez, “His travel outside the country beyond March 9 is no longer authorized by the House of Representatives. Therefore, his only option is to come home.”
Naniniwala rin si Speaker Romualdez na mas makabubuting umuwi si Teves at harapin ang pagkakadawit ng kanilang pamilya sa pagpatay kay Degamo.
Binigyang-diin niya na nais ng lahat na marinig ang kanyang panig dahil bukod kay Degamo, ay maraming buhay ang nawala dahil sa naturang karumal-dumal na krimen.
“Makabubuti na ring umuwi na si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo,” aniya pa. “We all want to hear his side of the story. Maraming buhay ang nawala maliban kay Gov. Degamo.”
“Umamin na ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen at hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at panagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimeng ito,” paniniguro pa ng lider ng mababang kapulungan ng Kamara. PMRT