LEBEL NG TUBIG SA ANGAT DAM BUMABA

BUMABA  ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa 190.03 metro, na 12.97 metro na mababa sa normal na water level nitong 212 metro dahil sa patuloy na epekto ng El Nino.

Ayon sa Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (DOST-PAG ASA), mula alas-6 ng umaga ng Lunes, naitala ng ahensya ang water level sa dam na nagsimulang bahagyang bumaba ng 9.20 metro mula sa 199.23 metro sa araw ng Linggo.

Sabi ni PAGASA Hydrologist Richard Orindain na bagamat bumaba ng 12.97 metro mula sa normal na water level ang Angat dam, ito ay 19.23 metro pa rin na mataas sa minimum operating level na 180 metro.

Paliwanag ni Orindain, posibleng bumaba pa sa minimum operating level na 180 meters sa Hunyo ngayong taon ang elevation ng Angat dam sa pagpapatuloy ng El Nino phenomenon.

Sa forecast ng ahensya base sa dam’s rule curve, sa pagtatapos ng Abril ng taong kasalukuyan ang elevation ay bababa pa sa 189 meters na posibleng umabot pa sa 182.73 meters sa Mayo.

Ang Angat dam ang pinagkukunan ng suplay ng 90 porsiyento ng tubig ng Kalakhang Maynila at mga karatig lalawigan. Ito rin ang nagsusuplay ng tubig sa irigasyon sa mahigit kumulang 25,000 sakahan sa Bulacan at Pampanga.

Inaasahan ni Orindain na bababa sa critical na level ng elevation ang tubig sa Angat dam sa pagtatapos ng Abril.Ganito rin ang nararanasan ng ibang dam sa Luzon tulad ng Ambuklao sa Benguet, San Roque sa Pangasinan at Pantabangan sa Nueva Ecija.Ang Pantabangan naman ang nagsusuplay ng tubig sa mga irigasyon sa Nueva Ecija, ang pinakamalaking producer ng bigas sa Central Luzon na tinaguriang “rice granary of the Philippines.” Ma. Luisa Macabuhay-Garcia