LEBEL NG TUBIG SA ANGAT DAM PATULOY SA PAGBABA

BAGAMAN idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical amd Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tag-ulan nitong Mayo 29, mababa pa rin ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan.

Batay sa assessment, sa kabila ng pagpasok ng Bagyong Aghon noong nakaraang Linggo na halos limang araw umuulan, patuloy pa rin ang pagbaba ng lebel ng tubig sa nasabing dam.

Batay sa monitoring ng PAGASA Hydrometeorology Division ngayong umaga, nabawasan pa ng 0.21 meters ang lebel ng tubig sa Angat dam kahapon.

Mula sa 179.28 meters na water elevation noong Sabado, bumaba ito sa 178.07 meters hanggang alas-8 kahapon ng umaga.

Mas bumaba na sa minimum operating level na 180 meters at 30. 93 meters ang pagitan mula sa 210 meters normal high water elevation ng dam.

Samantala, naitala sa 100.28 meters ang water elevation ng Ipo Dam, 75.54 meters sa La Mesa Dam at 740.88 meters sa Ambuklao Dam.

Hindi pa rin nakitaan ng pagtaas ng water level ang mga nasabing dam at sa limang iba pang dam sa Luzon.

Samantala, umaasa na madaragdagan ang tubig ngayong buwan dahil tinaya ng PAGASA na isa hanggang dalawang bagyo ang papasok sa Pilipinas. EC