MIAMI – Nagbuhos si LeBron James ng 51 points laban sa kanyang dating koponan at pinalamig ng Los Angeles Lakers ang Miami Heat, 113-97, noong Linggo ng gabi.
Tumipa si James ng 19 points sa first quarter upang tulungan ang Lakers na maitarak ang malaking kalamangan.
Ang 51 points ay season high para kay James, at ang pinakamarami na kanyang kinamada laban sa Miami, kung saan dalawang beses siyang nagtala ng 47 laban sa Heat.
Ang kanyang huling tira ay isang 32-footer, may 16 segundo ang nalalabi, na nagselyo sa ika-13 50-point game ng kanyang career, kabilang ang playoffs.
Ito ang unang pagkakataon na nanalo si James laban sa Miami magmula nang umalis siya sa Heat matapos ang 2014 NBA Finals.
Umiskor si Wayne Ellington ng 19 points para sa Miami.
SPURS 104,
WARRIORS 92
Tumipa si LaMarcus Aldridge ng 24 points at 18 rebounds at nalusutan ng San Antonio Spurs ang late rally upang gapiin ang kulang sa taong Golden State, na nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.
Gumawa si DeMar DeRozan ng 20 points, at nagdagdag si Rudy Gay ng 19 upang tulungan ang San Antonio na putulin ang three-game slide.
Tumirada si Kevin Durant ng 26 points at nagposte si Klay Thompson ng 25 para sa Golden State. Ang Warriors ay 2-5 matapos ang eight-game winning streak.
Naglaro ang Warriors na wala sina injured starters Stephen Curry at Draymond Green, at ang kanilang pagkawala ay nagresulta sa malamig na simula ng koponan.
TRAIL
BLAZERS 119,
WIZARDS 109
Nagpakawala si Damian Lillard ng 40 points, nagdagdag si C.J. McCullom ng 25 at iginupo ng Portland ang Washington upang putulin ang two-game losing streak at umangat sa11-5.
Nagsalansan si Jusuf Nurkic ng 13 points, 14 rebounds at napantayan ang kanyang career-high 8 assists.
Gumawa si John Wall ng 24 points para sa Wizards.
MAGIC 131, KNICKS 117
Naitala ni Aaron Gordon ang 20 sa kanyang 31 points sa first quarter at pinadapa ng Orlando ang New York para sa ika-7 panalo sa siyam na asignatura.
Kumabig si Nikola Vucevic ng 28 points, 10 rebounds at 9 assists. Bumuslo ang Magic ng 57 percent at nagtala ng season high para sa points, kung saan nahigitan nila ang 130 na kanilang kinamada noong Sabado ng gabi laban sa Los Angeles Lakers.
Umiskor si Tim Hardaway Jr. ng 32 points para sa New York, nag-ambag si Trey Burke ng 31 at tumabo si Enes Kanter ng 21 points at 19 rebounds. Nalasap ng Knicks ang ika-5 sunod na talo.
GRIZZLIES 100, TIMBERWOLVES 87
Kumana si Marc Gasol ng 26 points at 13 rebounds, at nagdagdag si Mike Conley ng 18 points at 9 assists nang igupo ng Memphis ang Minnesota,
Si Gasol ay 4 of 7 mula sa 3-point range at nagsalpak ang Memphis ng 12 sa kabuuan.
Comments are closed.