NAGBUHOS si Lauri Markkanen ng 29 points, 9 rebounds at 5 assists at nagposte ang Utah Jazz ng season-high fifth straight victory nang dispatsahin ang Los Angeles Lakers, 132-125, noong Sabado ng gabi sa Salt Lake City.
Nagdagdag si Collin Sexton ng 27 points at kumana sinJordan Clarkson ng 21 mula sa bench para sa Utah na nanalo sa ika-11 pagkakataon sa huling 13 laro. Nag-ambag si John Collins ng 19 points at 13 rebounds at gumawa rin si Keyonte George ng 19 points at naiposte ng Jazz ang kanilang ika-8 sunod na home victory.
Umiskor si D’Angelo Russell ng season-high 39 points at napantayan ang kanyang season best na anim na 3-pointers subalit hindi napigilan ang Lakers sa paglasap ng ika-11 kabiguan sa 15 games.
Naglaro ang Los Angeles na wala si LeBron James (ankle). Ito ang kanyang ika-4 na pagliban sa season.
Nagtala si Austin Reaves ng 19 points sa 7-of-8 shooting bago na-foul out para sa Lakers. Kumabig si Rui Hachimura ng 17 points, at nagdagdag si Anthony Davis ng 15 points, 15 rebounds, 11 assists at 4 blocked shots.
Bumuslo ang Los Angeles ng 50 percent mula sa floor, kabilang ang 13 sa 29 mula sa arc. Nakakolekta si Christian Wood ng 15 points at 9 rebounds para sa Lakers, at nagdagdag si Taurean Prince ng 12 points.
Celtics 145,
Rockets 113
Umiskor si Jaylen Brown ng game-high 32 points at tumapos si Jayson Tatum na may 27 upang tulungan ang Boston Celtics na pabagsakin ang bisitang Houston Rockets.
Naipasok ni Brown ang 11 sa kanyang 15 field-goal attempts at 4-for-6 mula sa 3-point territory. Kumalawit din si Tatum ng 8 rebounds at nagbigay ng 5 assists bago napatalsik sa laro kasunod ng kanyang ikalawang technical foul, may 10:17 sa orasan.
Nagdagdag si Payton Pritchard ng 19 points at nagtala si Kristaps Porzingis ng 17 para sa Boston na umangat ang home record sa 19-0.
Naisalpak ng Celtics ang 24 sa kanilang 47 3-point attempts (51.1 percent). Ang 24 3-pointers ay kulang ng tatlo sa franchise record, na naitala kontra New York Knicks noong 2022. Sampung Boston players ang gumawa ng kahit isang 3-pointer.
Bumuslo ang Houston ng 40.4 percent mula sa field (40 of 99). Ang Rockets ay 7 of 30 mula sa arc.
Mula sa bench ay gumawa si Cam Whitmore ng team-high 22 points para sa Houston. Tumapos sinAlperen Sengun ng 19 points at 10 rebounds.
Bucks 129,
Warriors 118
Nagtala sina Giannis Antetokounmpo, Damian Lillard at Khris Middleton ng pinagsamang 84 points, at nadominahan ng well-rested Milwaukee Bucks ang short-handed Golden State Warriors.
Nanguna si Antetokounmpo na may game-high 33 points. si Lillard ay may 27 at tumipa si Middleton ng 24 bilang bahagi ng double-double na may game-high 10 assists para sa Bucks.
Naglaro sa ikalawang gabi ng road back-to-back at wala si Stephen Curry (rest), ang Warriors ay may tatlong players na gumawa ng 20 o higit pang puntos, sa pangunguna ni Jonathan Kuminga na may 28. Nagposte si Brandin Podziemski ng 23 points at game-high-tying 10 rebounds, at nagdagdag si Klay Thompson ng 21.