ISA na namang milestone ang nakamit ni Los Angeles Lakers superstar LeBron James sa kanyang makasaysayang basketball career.
Si James ay naging unang player sa kasaysayan ng NBA na umabot sa 40,000 points kasunod ng kanyang basket sa 10:40 mark ng second quarter ng laro ng Lakers kontra Denver Nuggets, Linggo ng umaga, oras sa Manila.
“No one has ever done it,” pahayag ni James sa isang panayam sa Spectrum Sportsnet noong Biyernes matapos ang kanilang overtime win laban sa Washington Wizards.
“For me to be in this position at this point of my career, I think it’s pretty cool. Does it sit at the top of the things I’ve done in my career? No. Does it mean something? Of course, absolutely. Why wouldn’t it?” sabi pa ni James.
Isang four-time NBA champion at four-time league MVP, si James ay gumawa ng isa pang kasaysayan makaraang maging unang NBA player na nagtala ng 39,000 career points noong nakaraang Nobyembre.
Bukod pa ito sa paglampas niya kay Kareem Abdul-Jabbar noong February 2023 bilang no. 1 player sa All-Time scoring list ng NBA.
Si LeBron ay naging unang player din sa kasaysayan ng NBA na nagposte ng 40,000+ points, 11,000+ rebounds, at 10,000+ assists.
Ang 39-year-old ang pinakamatandang player sa NBA, subalit patuloy siyang nagpoprodyus ng mga numero sa elite level.
Ang Cleveland Cavaliers at Miami Heat legend ay kasalukuyang may average na 25.3 points, 7.9 assists, at 7.1 rebounds sa kanyang ika-21 taon sa liga, mahigit 11,042 career boards at 10,839 career dimes.
Si James ay may player-option para sa 2024-25 NBA season, na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na magpasya kung mananatili siya sa Lakers ng isa pang taon o maging isang unrestricted free agent.
Noong Enero, si James ay kabilang sa 41 pangalan na nakalista sa USA Basketball’s player pool para sa Paris Olympics.
Si James ay hindi pa naglaro para sa Team USA magmula nang magwagi siya ng gold medal sa 2012 London Olympics.