Leche flan, 3 for P100

SA pamilya namin, mga lalaki ang masarap magluto, pero mga babae ang magagaling sa negosyo. Hindi naman ibig sabihing tamad ang mga lalaki dahil good providers din naman kami. At ang mga babae, hindi man sila mahuhusay sa household chores, mahuhusay naman silang ina.

Nabanggit ko po lamang ito dahil may ituturo akong recipe na siguradong pagkakakitaan ninyo, ang leche-flan na three for P100 ang presyo. Pero bago po iyan, resolbahin muna natin ang ilang mga problema sa paggawa ng leche flan.

Halimbawa na lang, kulang sa itlog o gatas, remedyuhan natin ito sa pamamagitan ng pagtataas ng temperatura sa 10 degrees Celsius o kaya naman ay magdagdag ng 10 to 15 minutes baking time.

Kung hindi creamy ang flan, malamang, hindi gaanong naluto ang itlog, Slow cooking kasi ang leche flan dahil sa eggs. Kung mamadaliin ang pagluluto o kung napakataas ng temperatura, magiging foamy at bubbly ang flan. Isa pang possibility ay hindi masyadong incorporated ang gatas sa egg mixture.

Mukhang aang dali-dali lang lutuin ng leche flan pero hindi po. Malalaman mong luto na ito kapag lightly colored na ito at matigas (firm) nang hawakan pero hindi naman parang bato. I-check gamit ang toothpick o tinidor.

Kailangang malinis ito kapag binunot. Para sigurado, i-bake o pasingawan ng 30 minutes. Pwedeng ilagay sa refrigerator hanggang tatlong araw.

Halimbawa namang napasobra kayo ng luto o napabilis ang pagluluto, magiging spongy ito. Pangit. Kaya nga dapat, slow cooking. Kung sobra namang malambot, malamang, kulang sa oras ng pagluluto.

Kung ibi-bake, huwag kalilimutang ipatong ag mga llanera sa laagyang may tubig. Ang tawag dito ay water bath.

Takpan din ang mga llanera ng foil para mas madaling maluto at para maiwasan ang mga bubbles.

Ang leche flan ay Filipino egg custard na naimbento noong panahon ng Kastila upang hindi masayang ang pula ng itlog, dahil ginagamit ang puti ng itlog sa pagdidikit ng mga adobe kapag gumagawa ng bahay. Ito ay kumbinasyon ng itlog, gatas, vanilla extract na inilalagay sa llanera na may caramelized sugar. Paborito ko ito at palagay ko ay paborito mo rin, na inihahanda sa lahat na yata ng okasyon sa Pilipinas.

Bago tayo gumawa ng leche flan, ihanda muna ang mga llaneras. Lagyan ng dalawang kutsarang asukal ang bawat llaneras – pwedeng asukal na puti, pero kahit anong asukal pwede. I-caramelize ang asukal sa pamamagitan ng direktang pag-iinit ng mga ito sa kalan. Kapag natunaw na ang asukal, ikalat ito sa llanera at hayaang tumigas.

Huwag susunugin dahil papait.

Dahil 3 for P100 ang ating leche flan, kakaiba ang ating recipe. Sa sobrang mahal ng itlog, sa totoo lang, wala na tayong kikitain kapag nagkataon. Lumalabas na P35 lang bawat llanera ang presyo ng ating leche flan kaya dapat ay hindi lalampas sa P20 ang ating puhunan para kumite naman tayo kahit paano. Heto ang ating mga kailangan:

Anim na itlog na buo, 1 condensed milk (390g), 1 evaporated milk (370 ml), 1 tsp. vanilla extract (or calamansi/lemon juice), 3 kutsarang cornstarch, 3 kutsarang asukal, 10 na kutsarang tubig.

Dahil naihanda na natin ang 12 llanera, simulant na nating paghalu-haluin ang mga sangkap. Unahin ang anim na itlog. Batihing mabuti ngunit uwag hayaang magkaroon ng bula. Idagdag ang Add the condensed milk at evaporated milk. Dahan-dahang haluin upang huwag magkaroon ng bula sa mixture.

Isama ang vanilla extract para maalis ang lansa, pero mas maganda kung calamansi o lemon juice. Isama na rin ang tubig, asukal at cornstarch. Dahan-dahang haluin at pagkatapos ay salain para mas pino.

Isalin sa mga llanera na may caramelized sugar ang leche flan mixture. Takpan ang mga llanera ng aluminum foil para maiwasan ang pagtulo ng sumingaw na tubig. Pasingawan ng 30-40 minutes.

Kapag naluto na, hayaan sa steamer ng 20 minuto pa bago hanguin. Palamigin at pagkatapos ay ilagay sa refrigerator ng apat na oras. Pwede na itong isalin sa ibang lalagyan matapos palamigin.
Ngayon, kwentahin na natin kung pwede ngang ibenta ng P35 kada llanera ang ating leche flan. Anim na itlogsa P8 isa ay P48; condensed milk (390g), P44; evaporated milk (370 ml), P25; 1 tsp. vanilla extract (or calamansi/lemon juice), P2; 3 kutsarang cornstarch, P5; asukal, P22. Lahat-lahat, ang nagastos natin ay P146. Idagdag ang P50 na panggatong kaya ang total ay P196. Lumalabas na P16.50 ang puhunan natin bawat llanera, kaya pwedeng pwede natin itong ibenta ng P35 bawat llanera o 3 for P100. Sa 12 llanera, makakabenta tayo ng P400 kaya tutubo tayo ng P204 sa 12 llanera. Para sigurado, 12 lanera muna ang ibenta ninyo. Kapag marami nang suki, saka kayo magdagdag. JVN