KILALA natin ang leche flan, at ito pa lang, naglalaway na tayo. Pero kung isasama pa natin dito ang isa pang popular na classic Filipino dessert o snack, ano pa kaya? Bongga! Introducing! Ang masarap na Leche Puto na pangmeryenda na, pang negosyo pa!
Sino naman ang tatanggi sa kakaibang cake-y texture ng puto na may creaminess ng leche flan? At mind you, masarap ito, promise, at madali pang lutuin.
Kung marunong kang gumawa ng leche flan at marunong ka ring gumawa ng puto, solved na ang negosyo ninyo sa napakamurang halaga at napakaikling oras – ang leche puto. Gawa tayo ng fluffy puto na ang ilalim ay leche flan. Pihadong patok ito sa mga suki. Halina kayo, simulan na natin.
Ang preparation time ay 20 minutes, at ang cooking time ay 15 minutes, kaya lahat-lahat, ang total time ay 35 minutes.
Mga sangkap para
sa leche flan
- 2 kutsarang tinunaw na butter o margarine
- 4 na egg yolks
- 1 can condensed milk
Para sa Puto
- 2 cups harina
- 2/3 cup asukal
- 4 1/2 teaspoons baking powder
- 1/2 teaspoon asin
- 1 1/4 cups tubig
- 4 egg whites
Paraan ng paggawa:
Ihanda ang puto molds at pahiran ng tinunaw na butter o mantekilya. Isantabi muna. Ihanda na rin ang steamer.
Sa isang bowl, paghaluin ang egg yolks, condensed milk, at juice ng isang calamansi juice. Haluing paikot hanggang maging smooth at well blended. Lagyan ang mga molds ng 1/3 full lang ng leche flan mixture. Takpan at pasingawan sa inihandang steamer sa loob ng 5 hanggang 7 minuto o hanggang wala nang liquid. Hanguin at palamigin.
Habang pinalalamig, gawin na ang puto. Pagsama-samahin ang harina, asukal, baking powder at asin. Salain para walang lumps. Batihin ang puti ng itlog hanggang maging fluffy at isantabi.
Idagdag ang tubig sa flour mixture at haluing mabuti. Pagkatapos, i-fold-in ang binating puti ng itlog.
Ilagay ang puto mixture sa ibabaw ng leche flan na halos puno at pagkatapos ay pasingawan uli sa loob ng 10 minuto o hanggang maluto ang puto. Kapag luto na, palamigin at alisin sa hulmahan. Hayan may pambenta na kayo.
Thirty pieces ang magagawa ninyong puto flan sa recipe na ito na pwede ninyong ibenta ng P10 bawat isa kaya may benta kayong P300.
Sa costing, heto po ang resulta: butter o margarine, P5; 4 na itlog, P20; 1 can condensed milk, P34; 2 cups harina, P10; 2/3 cup asukal, P5; 4 1/2 teaspoons baking powder, P5; 1/2 teaspoon asin, P1; calamansi, P0.50. lahat-lahat, ang nagastos ay: P80.50. Idagdag natin ang P50 para sa gas, labor at packaging kaya meron tayong gastos na P130.50.
Pwede rin po itong panregalo sa birthday o kahit ano pang okasyon. – NV