PINANGUNAHAN ng tatlong alkalde ng Bulacan ang pagkain ng litsong baboy upang ipaalam sa mamamayan sa Lungsod ng Malolos at mga bayan ng Pandi at Pulilan na ligtas kainin ang karneng baboy at walang dapat ikabahala sa African Swine Fever (ASF).
Sa bayan ng Pulilan nitong Huwebes, mismong si Mayor Ma. Rosario Ochoa-Montejo ang nanguna sa pagkain ng litson na baboy sa ginawang boodle fight sa gitna ng kanilang pamilihang bayan.
Layon nito na ipakita na ang mga kinakatay na baboy sa kanilang lugar ay negatibo sa ASF at ligtas kainin at patunay na ang mga karneng baboy na itinitinda ay ligtas kainin.
Kinumpirma ni Montejo, ang sakit na ASF sa mga alagang baboy ay nagpositibo sa mga Barangay ng Inaon, Tabon, Balatong A, Balatong B, Tinejero at Dulong Malabon.
Gayunpaman, may mga ilang nagnegatibo sa blood tests sa ASF ang ilang mga baboy sa mga nasabing lugar, wala silang magagawa para pigilin ang pagpatay sa mga ito dahil na rin sa quarantine protocol ng Department of Agriculture (DA) na 1-7-10 kung saan lahat ng mga baboy na nasa loob ng 1 kilometer radius ng lugar na nagpositibo sa ASF ay kailangan sumailalim sa mandatory depopulation.
Sa bayan naman ng Pandi, naghain si Mayor Enrico Roque at hog raisers ng nasabing bayan ng mga putaheng karne ng baboy sa isang press conference para patunayan na ligtas kainin ang karneng baboy sa kanilang lugar.
Ito ay sa kabila ng pagpositibo sa sakit na ASF ang ilang alagang baboy sa Corpus Farm na matatagpuan sa Barangay Baka-bakahan.
Ani Roque, ang insidente ay isolated case lamang na hindi kumakatawan sa humigit kumulang na 40 commercial hog raisers at mga libo-libong alagang baboy ng mga backyard raiser sa bayan ng Pandi.
Ganito ang ginawa ni Malolos Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian at ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod na kumain ng nilitsong baboy sa isang “boodle fight” sa Malolos Public Market upang patunayan na ang mga karneng baboy na itinitinda sa kanilang lungsod ay ligtas kainin.
Ipinaliwanag ni Bernardin Pascual, president ng Malolos City Public Market meat section na mula nang pumutok ang sakit na ASF sa lalawigan ng Bulacan ay malaki na ang ibinaba ng karne ng baboy sa nasabing pamilihan.
Aniya, mula sa P200 kada kilo na presyo ng karne ng baboy ito ay bumaba na sa P160 kada kilo at tina-taya na nasa 80 porsiyento ng kanilang produkto ang itinumal sa bentahan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.