LED WALL GAMITIN SA BBM INAUGURATION

INIREKOMENDA ng National Police (PNP) sa kampo ni President-Elect Ferdinand Marcos, Jr. na gumamit ng led wall upang hindi na naisin ng mga tao na lumapit pa sa harap ng National Museum sa araw ng inagurasyon sa Hunyo 30.

Paliwanag ni PNP-Director for Operations, Maj. Gen. Valeriano De Leon, kanilang ikokonsidera ang opsyon kahalintulad ng ilang inilatag niyang security measures sa malalaking event sa Metro Manila.
Sinabi ni De Leon na sa labas ng gusali ng National Museum gagawin ang panunumpa ni Marcos na ibig sabihin ay nakaharap ito sa publiko at sa P. Burgos Street.

Gaya ng malalaking event, ipagbabawal ang pagdadala ng backpack habang ang mga dadalo at lalapit kay BBM ay dapat sumailalim sa antigen test.

Sinabi pa na asahan din na ‘No fly zone’ malapit sa paligid ng museo.

Nauna nang sinabi ng Manila Police District na nasa 8,000 ang ikakalat sa Metro Manila para sa seguridad ng okasyon.

Magiging mabusisi rin ang pulisya sa mga permit na ipakikita naman ng mga militanteng grupo na nais mag-rally habang hinigpitan na rin ang mga seguridad sa mga freedom park na maaring gawing venue ng mga militanteng grupo. EUNICE CELARIO