LEGACY NG AMA IPAGPAPATULOY NI ANGARA

ISANG malaking karangalan para kay Senador Sonny Angara na ipagpatuloy ang iniwang legasiya ng kanyang yumaong ama, si dating Senate President Edgardo Angara, sa pagdiriwang ngayon araw ng ika-84 kaarawan ng senador.

“Kung nabubuhay lamang siya ngayon, 84 taong gulang na sana siya. Pero kahit wala na ang aking ama, ipagpapatuloy natin ang kanyang mga nasimulan,” ani Angara.

Aniya, napakalaking karangalan na balikatin at isulong ang iniwang kasaysayan ng kanyang ama dahil taglay nito ang mga napakamakabuluhang adbokasiya partikular sa usaping pang-edukasyon at kalusugan.

“Mula pa noon, siya na ang aking pangunahin at tini­tingalang ehemplo. Hindi matatawaran ang kanyang mga nagawa sa pagsisilbi sa bayan kaya’t sisikapin kong ituloy ang lahat ng kanyang napasimulan,” ayon pa sa senador.

Tulad ng kanyang ama, malaki ang paniniwala ni Angara na ang edukasyon lamang ang natatanging paraan upang talunin ang patuloy na paglaganap ng kahirapan. Ito rin ang paraan upang pumatas ang bansa sa malalaking ekonomiya.

Ayon pa kay Angara, hindi niya malilimutan kung paanong ipinaglaban ng kanyang ama ang edukasyon dahil aniya’y ito ang pangunahing paraan upang magtagumpay at maiangat ang talento ng bawat Filipino.

“Nais ng aking ama na bigyan ang lahat ng pagkakataong lumaban sa buhay. Naniniwala po s’ya na ‘di matatawaran ang angking talino at galing ng Filipino na kung bibigyan ng pagkakataon ay talaga namang world-class at hindi pahuhuli sa sinumang dayuhan,” anang senador.

Mula nang pasukin ng na­kababatang Angara ang pagiging lingkod-bayan, tulad ni Senator Ed, ay isinulong niya ang mga batas na ang mga pa­ngunahing ipinaglalaban ay edukasyon. Ito anila, ang pinakamakapangyarihang sandata ng bawat isa tungo sa pag-unlad.

Ang ilan sa mga panukalang isinusulong ngayon ni Angara ang pagkakaroon ng student fare discounts sa iba’t ibang uri ng transportasyong panghimpapawid, panglupa at pandagat. Sa kanyang panukala, inihain niyang ipatupad ang diskwento sa mga ito kahit sa weekends, holidays at semestral breaks. Maaari aniyang magamit ng pamilya ng bawat mag-aaral ang mga natipid sa diskwento para sa iba pang mahahalagang pangangailangan.

Ayon sa senador, bagaman alam niyang mahihirapan siyang pantayan ang mga nagawa ng kanyang yumaong ama, partikular ang pagtatatag ng mga institusyon tulad ng CHED, TESDA, PhilHealth, National Center for Culture and the Arts (NCAA) at Sentro Rizal na maihahalintulad sa mga pamosong Instituto Cervantes ng Espanya at Dante Alighieri Center ng Italya, sinisiguro naman niyang gagawin niya ang lahat sa pamamagitan ng kanyang mga isusulong na panukalang batas na mapangangalagaan at mapanatiling sagrado ang mga institusyong ito.

“Alam kong mahirap pantayan ang nagawa ng aking ama lalo na ang paglikha n’ya ng mga institusyon na nagdulot ng malaking benepisyo sa mga Filipino. Ipinapangako ko na habang ako ay nabubuhay, patuloy kong babantayan ang mga institusyong ito at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang patatagin at pagyamanin ang mga ito para patuloy na pagsilbihan ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng senador.

Mababatid na ang yumaong Senador Angara ang awtor ng Free High School Act, na tumiyak na ang lahat ng mahihirap na mag-aaral ay makatutuntong sa sekondarya, gayundin ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE)—na siyang pinakamalaking scholarship program ng gobyerno nang maitatag ito sa kanyang panahon.

Pinakamalaki sa mga batas na nilikha ni Senator Ed ang Senior Citizens Act, ang Magna Carta for Public Health Workers, at ang National Health Insurance Act na siyang lumikha sa Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth.

Bilang pagtataguyod sa mga naunang batas ng kanyang ama sa edukasyon, itinulak ni Senator Angara, na naging three-term congressman at ngayo’y senador ang mga batas na nagpapalawak sa sakop ng libreng edukasyon tulad ng Free College Law at ang Unified Student Financial Assistance System Act (UNIFAST) upang masigurong ang mga mahihirap subalit magagaling at masisipag na mag-aaral ang makikinabang sa scholarship programs ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, pinagsisikapan ng senador na maipasa ang pagpapalawak sa Universal Healthcare Law na naglalayong maipatupad ang libreng check-up at laboratory tests.    VICKY CERVALES

Comments are closed.