CAMP CRAME – TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Oscar Albayalde na kanilang bibigyan ng legal assistance ang babaeng pulis na sinaktan ng sinibak na hepe ng Eastern Police District.
Ayon sa heneral, na mayroong legal service ang PNP na puwedeng magbigay ng abogado kay PCpl. April Santiago.
Sinabi naman ni Albayalde, na sakaling hindi magsampa ng criminal case si Santiago ay uusad pa rin naman ang administrative case ni Brig. Gen. Christopher Tambungan.
Paliwanag ng hepe ng PNP, mali ang ginawang pananakit ni Tambungan dahil ‘gender sensitive’ ang PNP.
Mayroon din aniyang tamang paraan para parusahan ang nagkamaling pulis at isa na rito ang pagsasampa ng kaso kung hindi nakasunod sa order ng nakatataas.
Samantala, lumalabas naman sa imbestigasyon na hindi ito ang unang pagkakataon na nanakit si Tambungan dahil may dalawa ng pulis na nagreklamo rin kay Tambungan sa Ombudsman.
Nabatid na base sa reklamo ni Santiago na nakarating sa tanggapan ng NCRPO, bandang alas-7:00 ng gabi noong Mayo 12, kinumpronta siya ni Tambungan dahil hindi siya natulungan ni Santiago sa ipinapagawa sa kanya.
Kasunod nito, sa hindi malamang kadahilanan ay pinukpok umano ni Tambungan sa ulo si Santiago at hinampas ng pinto ng sasakyan, kasabay nang pagsigaw at pagbibitiw ng hindi magandang salita. REA SARMIENTO
Comments are closed.