LEGASPI WAGI SA INT’L MATH OLYMPIAD SA NEW YORK

GINTONG  medalya para sa Pilipinas. Ito ang napanalunan ng isang 10 taong gulang na estudyante mula sa Olongapo City na lumahok sa ika-4 na Copernicus International Math Olympiad sa Columbia University sa New York, USA.

Si Francis Deinmel Legaspi, incoming Grade 5 student sa Special Education Center for the Gifted (SPED-G Kalayaan) sa Subic Bay Freeport Zone ay tinanghal na kampeon matapos nitong talunin ang mahigit 100 finalists mula sa 22 bansa.

Ang Copernicus Olympiad ay isang international competition platform na nilalahukan ng mga Grade 3 hanggang Grade 12 students na naglalaban-laban sa kategorya ng Math at Astronomy. Layunin ng kompetisyon na ma-develop ang academic skills ng mga bata, mas mapalawig ang kanilang potensyal at magkaroon ng mga kaibigan mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang ama ni Francis na si Dennis Legaspi kay Senator Sonny Angara sa patuloy na pagtulong nito sa kanyang anak simula nang mag-umpisa ang bata sa paglahok sa mga international math competition sa edad na anim.

Isa rin sa pinasalamatan ni G. Legaspi ang school principal ng SPED-G Kalayaan na si Mr. Abdon C. Bayla at ang personal Math coach ni Francis na si Mr. Ricardo Quejado.

Bago ang panalong ito ni Francis, nagwagi na rin siya ng mga gintong medalya sa iba’t iba pang math competition sa ibayong dagat. Kabilang dito ang International Math Olympiad sa Hongkong; Thailand International Math Olympiad; Southeast Asia Math Olympiad, Philippine International Math Olympiad at ang World International Math Olympiad.