Leksyon sa negosyong dapat nating malaman

MAHILIG  lang talagang magluto, pero ang passion for cooking ay naging malaking negosyo dahil bawat putaheng kanyang niluluto ay may sangkap na pagmamahal, kaya naman malayo na ang naabot ng Mama Lou’s Hospitality Group. Mayroon silang Mama Lou’s Italian Kitchen & Nonna’s Pasta and Pizzeria — at Mamafood Cloud Kitchen, kung saan matatagpuan ang serbisyong maituturing na tunay na Filipino hospitality kaakibat ang masasarap na pagkaing Filipino.

Iyon ang unang leksyon. Dapat, mahal mo at gusto mo ang ginagawa mo. Marami nang napanalunang awards ang Mama Lou’s Hospitality Group at naging paborito pang puntahan ng buong pamilya dahil ramdam nila ang pagmamahal ng chef.

Sa cloud kitchen naman, randam ang Filipino hospitality at napakagandang serbisyo. ‘Yon ang ikalawang leksyon. Dapat, maganda at consistent ang serbisyo.

Sa ngayon, may 25 branches na sila at mukhang darami pa. Mama Lou’s ang isa sa mga fastest-growing restaurant brands sa bansa.

Nagsimula ang pagiging negosyante ni David Sison noong MBA student pa lamang siya. Nagkaroon siya ng clear vision, determinasyon at commitment. Nagkaroon siya ng ambisyon, at itinayo niya ang Mama Lou’s. Iyan ang ikatlong leksyon — clear vision, determinasyon at commitment.

Habang nag-aaral, kinausap niya ang kanyang girlfriend na si Crystal, na anak ng nagmamay-ari ng mga Italian restaurants, upang gumawa ng thesis sa nasabing mga restaurants. Pumayag naman ito at magkasama silang nagsagawa ng extensive research upang mas mas mapaganda ang business at magkaroon ng mga marketing strategies. Ang ikaapat na leksyon – pag-aralan munang mabuti ang itatayong business upang malaman ang tamang estratehiya.

Mula sa nasabing thesis, naging kongkretong business plan ito. Nagsagawa sila ng re-branding at pinalitan ang pangalan ng restaurant gamit ang pangalan ng in ani Crystal na si Mama Lou. Sa edad na 27 years old, binuksan ni David ang unang Mama Lou’s restaurant sa Solenad, Nuvali noong 2012 bago pa niya natapos ang kanyang MBA. Agad na nakilala ang restaurant kaya nabawi ni David ang kanyang puhunan sa loob lamang ng isang taon.

Dahil dito, lalo pang nagpursige si David. Iyan ang ikalimang leksyon – strike while the iron is hot.
Personal niyang tinutukan ang kanyang negosyo kaya naman 12 branches pa ang naitayo. Iyan ang isa pang leksyong dapat tandan – personal na tutukan ang negosyo.

Ang partnership nina David at Crystal Sison ay nagbunga ng maganda. Nakabuo sila ng isang culinary empire na hindi matatawaran. Ang kahariang ito ay maipamamana sa mga susunod pang henerasyon ng kanilang pamilya. Sana ay may natutuhan tayo sa kanila. NLVN