OPISYAL nang bahagi ng Rain or Shine family sina Felix Lemetti at Francis Escandor.
Ang dalawang rookies ay pumirma na ng kontrata sa koponan noong Biyernes, kung saan sila ang unang draftees na pumirna sa hanay ng mga freshman ngayong taon.
Si Lemetti, ang 25-year-old Fil-Sweden guard na pinili sa no. 8, ay pumayag sa three-year contract, habang si Escandor, ang second round pick ng koponan sa no. 13, ay binigyan ng one-year pact.
Personal na dumalo si coach Yeng Guiao upang i-welcome ang dalawang rookies na inaasahan niyang agad na makatutulong sa kampanya ng Elasto Painters sa PBA Season 49.
Dumalo rin sina Rain or Shine deputy coach Caloy Garcia, team manager Jireh Ibanes at ang mga kinatawan ng dalawang players — Marvin Espiritu para sa Escandor at Reynaldo Punongbayan at Ed Ponceja para sa Lemetti.
Ang Rain or Shine ay may dalawang picks sa first round, sina Fil-Am Caelan Tiongson sa no. 7 at Lemetti, itinuturing na isa sa early surprises sa draft.
Gayunman, si Tiongson ay kasalukuyan pang naglalaro para sa Strong Group Athletics sa Jones Cup sa Taipei.
Ang Elasto Painters ay may dalawa pang picks sa second round sa katauhan nina Mike Malonzo (no. 16) at Miggy Corteza (no. 20).
Subalit si Corteza ay na-trade sa Blackwater kapalit ng second round pick sa Season 51.
Ang isa pang Rain or Shine pick ay si Darwish Bederi sa third round (no. 32).
CLYDE MARIANO