NAKABILI ako ng tuna belly at panga sa General Santos. Mura lang ang presyo roon kumpara rito sa Manila. Kaso lang, hindi ko alam kung paano ito lulutuin. Mahilig akong mag-eksperimento ng mga lutuin, kaya’t kahit na wala akong alam sa kung paano ito lutuin, nangahas pa rin akong bumili.
Na-excite ako sa pagluluto ng tuna belly. At sinubukan ko nga ang Lemon butter tuna belly with basil. Siyempre, para magkaroon ito ng ka-partner, nagluto rin ako ng beans sa butter at saka binudburan ko na rin ng dried basil.
Mahilig ako sa basil. Lahat ng lutuin na masarap lagyan ng dried basil, nilalagyan ko. Kung minsan naman fresh basil at celery ang ginagamit ko. Madali na rin naman kasing hanapin sa pamilihan ang mga spice na ito. May dried na, may fresh pa. Abot-kaya lang din ito sa bulsa at nakapagdaragdag ng bango sa lutuin. Nakapagpapasarap din ito.
Gustong-gusto ko kasi iyong may kakaibang aroma ang niluluto ko na kapag humalo sa pang-amoy, gaganahan ka sa pagkain.
First time kong magluto ng tuna belly. Pero kahit na first time at nag-eksperimento lang ako, nag-enjoy naman ako kasama ang buong pamilya sa pagkain nito.
Sa mga gustong subukan ang recipe ng tuna belly na ginawa ko, ang mga sangkap na kakailanganin ay ang tuna belly na hiniwa sa katamtamang laki, paminta, asin, garlic powder, dried basil leaves, olive oil o kahit na anong klaseng mantikang ginagamit ninyo, butter (classic butter iyong ginamit ko), lemon wedge at lemon juice.
Paraan ng pagluluto:
Hugasan ang tuna belly, hiwain sa nais na laki saka patuluin. Kapag nasigurong wala nang ekstrang tubig sa bawat hiniwang tuna belly, ilagay na ito sa isang pinggan at budburan ng asin. Siguraduhing nalalagyan ang bawat parte ng isda nang magkalasa ito.
Pagkatapos malagyan ng asin ang isda, pahiran naman ito ng paminta. Kagaya ng ginawang pagpapahid ng asin sa isda ay gayundin ang gawin sa paminta.
Matapos namang malagyan ng paminta ang isda, pahiran naman ito ng garlic powder at dried basil. Siguraduhin lang din ulit na napapahiran o nalalagyan ang buong isda nang masigurong bawat parte nito ay magkakaroon ng lasa.
Matapos na matimplahan ang isda, iwanan na muna ito sa loob ng 30 minuto. Ito ay para mababad ang isda at manuot ang lasa.
Makalipas ang 30 minuto, magsalang ng kawali at tunawin doon ang butter. Kapag natunaw na ang butter haluan na ito ng olive oil saka iprito ang tuna belly. Hintayin lang itong maluto. Kapag naluto na, ilagay na ito sa pinggan.
Para magkaroon ng additional na lasa, magtunaw ulit ng butter sa kawali o pan saka ibuhos sa piniritong tuna belly. Ilagay na rin ang lemon juice at lemon wedge. Pagkatapos ay budburan ito ng dried basil at puwede na itong pagsaluhan ng buong pamilya.
Para naman sa beans, lutuin lang ito sa butter at timpalahan ng paminta, kaunting asin at dried basil.
Napakasimple lang ang pagluluto nito. Isa pa sa kagandahan nito ay hindi tumatalsik ang mantika habang piniprito.
Kaya’t ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Lemon butter tuna belly with basil and beans at tiyak na mapapakain ang inyong buong pamilya.
Comments are closed.