MASASARAP o malalasang pagkain ang lagi’t lagi nating hinahanap sa tuwing kumakalam ang ating sikmura. Minsan din, hindi tayo nakokontento sa iisang lasa lamang at gusto natin ay marami.
Kaya’t araw-araw ay nag-iisip tayo ng iba’t ibang lutuing ihahanda sa ating pamilya. Hindi rin naman puwedeng paulit-ulit lang ang ating inihahanda sapagkat gaano man iyan kasarap, kung aaraw-arawin n’yo naman ang pagkain nito, paniguradong pagsasawaan ito ng inyong mahal sa buhay.
Hamon sa bawat Mommy ang pag-iisip ng mga putaheng kagigiliwan ng pamilya. Hindi rin naman kasi puwedeng basta’t makapagluto lang ay magluluto ka na. Siyempre, napakahalaga o lagi nating isinasaalang-alang sa tuwing mag-iisip at maghahanda tayo ng pagkain sa ating pamilya ay kung maiibigan ba nila ang ating ihahain sa hapag.
Nakalulungkot naman kung nag-effort kang magluto pero hindi nila nagustuhan. Sayang lang ang effort. Tiyak na medyo sasama pa ang loob natin kapag nalamang hindi nila natipuhan ang inihanda natin para sa kanila.
At dahil panigurado namang iisa lang ang layunin natin sa pagluluto o paghahanda ng pagkain at iyan ay ang maibigan ng ating pamilya, kaya’t maniguro na tayo. Kumbaga, siguraduhin na nating bawat pagkaing ating ipatitikim sa kanila ay katakam-takam. At para magawa iyon, walang kata-pusang research at pag-iimbento ng iba’t ibang putahe ang kailangan nating gawin.
Marami naman tayong puwedeng subukang lutuin na bukod sa masarap na ay abot-kaya pa rin sa bulsa. Gaya na nga lang ng mga masasarsang pagkain o masasabaw.
Maraming Filipino nga naman ang napakahilig sa masasarsang pagkain. Mas katakam-takam nga naman ang mga putaheng masasabaw o masasarsa. Nakadaragdag kasi ito ng gana. Mas napakakain din tayo ng marami.
Kunsabagay, kakain na nga lang tayo, siyempre hahanapin o kakainin natin ang mga masasarap at magpapasaya sa atin lalo na kapag gutom na gutom tayo.
Maraming pagkain o putahe ang masasarsa at masasabaw. Isa na nga riyan ang mechado na talaga namang kinatatakaman ng marami sa atin.
Hindi rin mabilang ang mga klase ng mechado na maaari nating kahiligan o lutuin para sa ating pamilya, gaya na lang ng beef, mechado, pork mechado, chicken mechado at ang gagawin natin ngayon, ang lengua mechado.
Sa mga gustong subukan ang Lengua Mechado, ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa nito ay ang 1 kilong dila ng baka, kamatis, sibuyas, bacon na hiniwa-hiwa ng maninipis at pahaba, tomato sauce, patatas, carrots, bawang, asin, paminta, toyo, tubig at mantika.
Paraan ng pagluluto:
Matapos na maihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap, banlian ang dila ng baka at kayurin ang maputing balat. Balatan naman ang patatas at carrots saka hiwain ito ng may kalakihan.
Magpainit ng mantika sa kawali. Kapag mainit na ay ilagay na ang bawang at papulahin ito. Isunod na rin ang sibuyas at kamatis. Pagkuwa’y ilagay ang bacon saka timplahan ng asin toyo at paminta.
Kapag kumulo na ay ilagay na rin ang dila ng baka. Lagyan ito ng kaunting tubig at pakuluang muli. Takpan ito at hayaan lang na kumulo hanggang sa lumambot.
Kapag lumambot na ang dila ng baka, maaari nang isama ang carrots at patatas. Pakuluin ulit. Tikman. Kapag okey na ang lasa at malambot na ang mga sangkap, patayin na ang apoy. At ready na ang inyong Lengua Mechado.
Ihanda ito habang mainit pa kasabay ang umuusok pang kanin.
Paniguradong kapag natikman ito ng inyong pamilya ay mapangingiti sila sa sarap.
Napakasimple nga lang naman ang paggawa nito kaya’t tiyak na maluluto n’yo ito ng walang kahirap-hirap. Kaunting oras lang din ang gugugulin n’yo. Kaya’t ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Lengua Mechado.
Puwedeng-puwede nga naman tayong makapagluto ng masasarap na putahe na napakadali lamang gawin.
Comments are closed.