LENI BILANG DRUG CZAR SUPORTADO NG SENATORS

Leni Robredo

SUPORTADO ng mga senador ang naging desisyon ni Vice President Leni Robredo na tanggapin ang inialok ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chair ng inter-agency on a­nti-illegal drugs.

Ayon kina Senate President Tito Sotto, Senators Christopher “Bong” Go, Ronaldo “Bato” dela Rosa, Se­nate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis “Kiko” Pa­ngilinan at Sonny Angara at Panfilo “Ping” Lacson na tama lamang ang naging desisyon ng ikalawang pangulo.

Umaasa ang mga senador na malaking tulong si VP Leni para sa pagsugpo ng ilegal na droga ng kasalukuyang administrasyon.

Tinukoy naman ni Go na dapat bigyan ng pagkakataon si VP Leni para patunayan ang kanyang sarili sa bago niyang puwesto.

Aminado naman si Dela Rosa na bagaman hindi niya kilala si VP Leni at hindi niya alam ang kakayahan nito, subalit umaasa siyang makatutulong ito sa Pa­ngulo ng bansa.

Hindi naman naitago ni Angara ang pagkagulat sa naging desisyon ng ikalawang pangulo sa hamon ng Pangulo.

Nagpahayag naman sina Lacson, Sotto, dela Rosa at Go ng anumang tulong kay VP Leni sa sandaling kailanganin  nito para sa pagsugpo sa illegal na droga. VICKY CERVALES