LENI NANGUNA SA RELIEF OPS (Para sa Odette victims)

TULAD sa mga nagdaang sakuna, nanguna muli si Vice President Leni Robredo sa pagresponde sa pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino na nasalanta ng bagyong Odette kamakailan.

Agad na binisita ni VP Leni ang mga lugar na hinagupit ng bagyo—sa Surigao, Cebu, Bohol, Dinagat Islands, Southern Leyte at Negros Island—para personal na ipaabot ang mga relief items at iba pang uri ng tulong sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng bagyong Odette.

Sa mga lugar ding ito, kinausap ng Pangalawang Pangulo ang mga lider ng lokal na pamahalaan tungkol sa mga susunod na hakbang para masimulan ang rehabilitasyon ng kanilang mga probinsya.

Sa isang mensahe sa kanyang Facebook page, ipinaabot ni VP Leni ang kuwento ng mga survivor ng bagyong Odette na personal niyang nakausap sa kaniyang mga pagbisita.

“Heartbreaking makipag-usap sa kanila dahil wala talaga sa kanilang natira. Ang itatanong nila, ‘papaano na kami? Ano na ang gagawin namin? Papaano namin itatayo iyong aming mga bahay?’ Ito po iyong paulit-ulit nilang kuwento,” pagbahagi ng VP.

At ngayong nalalapit na ang araw ng Pasko, nanawagan din si Robredo sa mga Pilipinong naligtas mula sa sakuna na magkapit-bisig para ipakita ang pagmamahal para sa mga kababayang apektado ng bagyo.

“Tayo pong mga masuwerte na hindi nasalanta, sasabihin ko lang na napakatindi ng pangangailangan ngayon ng ating mga kababayan. Ito po iyong pagkakataon para sa atin na ipakita ang pagka-Pilipino natin. Ang pagmamahal natin, ang lakas natin bilang ng nagkakaisang bayan, ito na po iyong panahon lalo na kasi magpa-pasko,” wika niya.

“Magpa-pasko ngayon; huwag tayong pumayag na mayroon tayong mga kababayang magpa-pasko na wala man lang makain, na wala man lang matirhan, at nawawalan ng pag-asa.”

Bago pa man tumama ang malakas na bagyo sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at Mindanao, siniguro na ni VP Leni na activated na ang relief efforts ng kaniyang tanggapan, gayundin ng mga Leni-Kiko volunteer centers.