LEPTOS OUTBREAK

DUQUE-LEPTOS

NASA 18 barangay sa pitong lungsod sa Metro Manila ang idineklara na ng Department of Health (DOH) na may outbreak ng sakit na leptospirosis.

Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kabilang sa mga barangay na may outbreak na ng leptospirosis ay ang Pinagbuhatan sa Pasig City; BF Homes at San Dionisio sa Pa­rañaque City;  North Bay Blvd. South sa Navotas City;  Addition Hills sa Mandaluyong City; Concepcion sa Malabon City; Bagbag, Bagong Silang, Batasan Hills, Commonwealth, Novaliches Proper, Payatas, Pinyahan at Vasra sa Quezon City; at Lower Bicutan, Western Bicutan, Maharlika Village at Signal Village sa Taguig City.

Ayon kay Duque, nakakaalarma ang biglaang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng sakit sa National Capital Region (NCR), na umabot sa kabuuang 368 leptospirosis cases at 52 sa kanila ang namatay, mula Enero 1 hanggang Hulyo 3, 2018 lamang.

“This is alarming that is why it is very important that our people are aware of this and that the measures to prevent at this have to be in placed,” ayon pa sa Kalihim.

“May outbreaks na tayo ngayon towards week 26 beginning Week 27. We have outbreaks in the following cities Mandaluyong City, Pasig City, Quezon City, and Taguig City,” dagdag pa niya.

“This is already considered outbreaks because they already breached the epidemic threshold which means that the cases reported now in this cities or the barangays they have already gone pass the number or average for the last five years,” pahayag pa ni Duque.

Nilinaw naman ng kalihim na hindi ito na­ngangahulugan na ang naturang sakit ay nakuha ng mga pasyente sa mga naturang barangay dahil maaari naman aniyang mula ito sa malayong lungsod o barangay, dahil na rin sa malawakang pagbaha na naganap ka­makailan.

Pinayuhan rin naman niyang muli ang publiko na magsagawa ng mga kaukulang pag-iingat laban sa leptospirosis sa pamamagitan ng pagsusuot ng bota kung talagang kinakailangang lumusong sa baha na kontaminado ng ihi ng daga.

Kung lumusong naman umano sa baha at nakaramdam ng mga sintomas ng sakit tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo at tiyan, pamumula ng mata, pangi­ngiki, pagsusuka at iba pa, ay dapat nang kaagad kumonsulta sa doktor.

Hindi lamang naman umano sa sugat o open wound maaring pumasok ang bacteria ng leptospirosis kundi maging sa mata, ilong at bibig.

Babala pa ng DOH, hindi dapat na ipagsawalang-bahala ang sakit dahil ito ay maaaring mag­resulta ng kamatayan.

Maging ang mga local government unit ay pinayuhan rin ni Duque na magsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang leptospirosis.

“They’ve got to do four things. One is Rodent Control, two improve flood control programs in their respective localities and next is draining of potentially contaminated waters last enforcement of garbage collection.  That is very important because the rats from the sewer pupunta ‘yan sa mga ba­surahan kapag hindi mo kinokolekta ang basura, mag-thrive ang mga daga at ‘yan ang iihi, nanghahawa sa mga tubig at mga lumulusong sa baha ay magkakaroon ng leptospirosis whether may sugat o wala, posibleng tamaan ng leptospirosis kaya kinakailangan alerto ang mga tao,” aniya pa.

Samantala, tiniyak din ng DOH na handa ang kanilang mga pagamutan na tumugon sa mga kaso ng leptospirosis na idudulog sa mga tanggapan ng mga ito.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.