LEPTOS OUTBREAK: 28 BARANGAY NA ANG TINAMAAN

Secretary Francisco Duque III

MAY 10 pang barangay sa Metro Manila ang idinekla­rang may leptospirosis out­break.

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, mula sa dating 18 barangay ay nasa 28 barangay na ang tinamaan ng outbreak ng sakit.

Nadagdag sa bilang ang sampu pang barangay, kabilang ang dalawang barangay na mula sa Caloocan City, na nakapagtala ng mahigit tatlong kaso ng sakit, kabilang ang Barangay 176.

“’Yung mga barangay na naapektuhan ay nadagdagan pa mula 18 noong huli akong nagpahayag ay nasa 28 na. Nadagdagan ng 10 at nadagdagan ng isang siyudad,” ani Duque, sa panayam sa radyo.

Una nang nagdeklara ng leptospirosis ang DOH sa 18 barangay sa pitong lungsod sa Metro Manila, na kinabibilangan ng Que­zon City, Taguig City, Pasig City, Parañaque City, Navotas City, Mandaluyong City, at Malabon City.

Ayon kay Duque, ang leptospirosis outbreak ay idinideklara sa isang lugar kung ang mga naita­lang kaso ay lampas na sa average na bilang ng mga kaso na naitala sa nakalipas na limang taon.

Muli namang hinikayat ng kalihim ang local government units (LGUs) na paigtingin ang kanilang pagsusumikap na ma­sugpo ang leptospirosis, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng rodent control at flood control, pagsasaayos ng mga drainage upang maiwasan ang pagkakaroon ng stagnant water, at istriktong pagpapatupad ng pangongolekta ng mga basura, na pinamamaha­yan ng daga.

Ang leptospirosis ay isang infectious disease na nakukuha mula sa Leptospira bacteria na mula sa ihi ng daga, at iba pang hayop.

Madalas na dinada­puan ng leptospirosis ang isang tao, kung lumusong sa baha na kontaminado ng ihi ng daga, lalo na kung may sugat ito sa paa.

Maaari rin namang makakuha ng naturang sakit kung malalagyan ng maruming tubig na may leptospira bacteria sa mata at bibig.

Ilan sa sintomas ng sakit ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan, pamumula ng mata, paninilaw ng balat,  ihi na kulay tsaa, pagkaunti ng ihi, ubo, pagtatae at pagsusuka.

Babala pa ni Duque, hindi dapat na mag-self medicate kung tatamaan ng leptospirosis dahil antibiotic ang gamot na gagamiting lunas dito.

Hindi rin aniya dapat na ipagsawalang-bahala ang mga sintomas ng sakit dahil ang leptospirosis ay maaaring magdulot ng kidney failure, brain damage, massive internal bleeding, at kamatayan, kung hindi maagapan at malulunasan.

Batay sa datos ng DOH, nakapagtala na sila ng mahigit 454 kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Hulyo 5, at 58 dito ang nasawi. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.