NGAYONG tag-ulan ay hindi talaga maiiwasan ang lumusong sa baha, lalo na kung pauwi ka na mula sa trabaho o paar-alan at bahain ang iyong dinaraanan. Matinding abala ang naidudulot ng pagbaha. Hindi lamang nito pinasisikip ang daloy ng trapiko, may mga sakit ding maaaring makuha sa pagbabad sa maruming tubig. Isa na rito ang Leptospirosis.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang Leptospirosis o Weil’s Disease ay impeksiyong dulot ng leptospira bacteria na kumakapit sa sugat ng ating balat. Ang bacteria na ito ay puwedeng makuha sa tubig-baha o putik na kontaminado ng ihi ng daga. Ngunit hindi lamang daga ang carrier ng bacteria na ito, sapagkat maaari rin itong makuha sa ihi ng ibang mga hayop tulad ng aso, baka o baboy.
Kadalasan, nilalagnat at nakararamdam ng pagkahilo ang isang taong tinamaan ng sakit na ito. Ilan pa sa mga sintomas ay ang pananakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod, pamumula ng mata, pag-ubo, pagtatae at pagsusuka, panginginig, pamamantal ng balat at pagkawala ng gana sa pagkain. Kapag naman lumala na ang sakit, maaari nitong maapektuhan ang kidney, utak at atay, maninilaw ang mata at iitim ang kulay ng ihi at dumi.
Kung nakararanas ng mga sintomas na nabanggit sa taas at matatandaan mong ikaw ay lumusong sa baha kamakailan lamang, agad na kumunsulta sa doktor upang maresetahan ng antibiotics. Sa katunayan, mas madaling malalabanan ang sakit kung ikaw ay makaiinom ng antibiotics sa unang dalawang araw na maranasan ang mga sintomas.
Kailangan ding sundin nang maigi ang bilin ng doktor dahil maaaring bumalik ang bacteria kapag itinigil ang pag-inom ng gamot nang basta-basta lang. Kapag hindi na naagapan ng gamutan, kailangang ma-confine ang pasyente sa hospital upang mabigyan ng antibiotics nang direkta sa dugo. At kung apektado naman na ang mga lamang-loob, kakailanganin na ng pasyente ng medical ventilator at dialysis.
Maaaring ikamatay ng pasyente ang sakit na ito kung hindi maaagapan.
Ngunit, bakit pa ba natin hahayaan na magkaroon ng Leptospirosis kung may mga paraan naman upang makaiwas sa sakit na ito?
Huwag lumusong sa maruming tubig at lupa na hinihinalang kontaminado ng ihi ng hayop, lalo na kung ikaw ay may sugat. Kung hindi naman maiiwasan ang paglusong sa baha at putik, magsuot na lamang ng proteksiyon tulad ng bota.
Kung mayroon ka ring alipunga at galos sa paa, maaari itong magsilbing daan upang makapasok ang bacteria sa katawan.
Maaari ring pumasok sa ilong, mata o kaya naman bibig ang bacteria lalo na kung lumangoy sa baha.
Totoo nga namang parte na sa buhay nating mga Filipino ang pagbaha tuwing tag-ulan, ngunit may paraan upang makaiwas sa mga perwisyo nito kung alisto tayo at sumusunod sa mga paalala. Hindi man natin kontrol ang pagbaha, hawak naman natin ang paraan para makaiwas sa mga sakit na dulot nito, lalo na ang Leptospirosis.
Kaya ngayong tag-ulan, iwasan ang lumangoy, lumusong at maglaro sa baha. At kung sakali namang nakaranas ng sintomas ng Leptospirosis, ipinapayong magtungo kaagad sa doktor para masuri ang kalagayan. (photos mula sa google) RENALENE NERVAL
Comments are closed.