SUNOD-SUNOD na naman ang bagyong dumarating sa ating bansa. Talagang panahon na ng tag-ulan kaya marami riyan ang nababasa sa biglaang buhos ng ulan, o ‘di kaya ay na-stranded dahil sa malalim na baha. At dahil pabago-bago ang klima, iinit saglit tapos bigla namang uulan, naku, sakit ang kasunod niyan. Nariyan ang ubo, sipon, sakit sa lalamunan, lagnat at kung mamalasin, tuluyan nang trangkaso ang aabutin.
Kaya mahalagang ingatan ang ating kalusugan dahil sa panahon ngayon, mahirap at bawal ang magkasakit. Bukod sa malaking gastos, malaking abala ito dahil pansamantalang nahihinto ang mga karaniwan na nating ginagawa kung kaya hindi natin natatapos agad ang trabaho.
Pero hindi lamang sa simpleng ubo, sipon at trangkaso naiuugnay ang panahon ng tag-ulan. Nariyan din ang banta ng leptospirosis kapag ang inyong tirahan o lugar na pinapasukan ay binabaha na. Mag-ingat po tayo dahil sa ihi ng daga, posibleng manganib ang inyong buhay lalo’t may sugat na puwedeng pagmulan ng impeksiyon. Sa araw na ito, aking tatalakayin ang tungkol sa leptospirosis.
Ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha mula sa bacteria na tinatawag na ‘Leptospira interrogans’ na nakaaapekto sa mga tao at hayop tulad ng daga, aso, baboy at baka.
Bagama’t walang ulan o baha ay posible pa ring magka-leptospirosis dahil mataas ang tsansang makakuha nito dahil sa malapit na pakikihalubilo sa hayop, sa tubig at lupa na nakokontamina ng kanilang ihi na may dalang impeksiyon. Kapag may sugat ang paa at lumusong sa baha, posibleng pumasok ang leptospirosis bacteria sa iyong katawan. Makukuha rin ito sa maruming putik, sa taniman at sa kontaminadong swimming pool.
Kabilang sa sintomas ay matinding sakit ng ulo at katawan. Nakararanas din ng pabalik-balik na lagnat, panginginig, pananakit ng tiyan at kalamnan, pagtatae, pagsusuka, pamamantal at paninilaw ng mata at balat. Lumalabas ang sintomas ng leptospirosis pagkaraan ng 5 hanggang 14 araw pagkalusong sa baha.
Sakaling lumala at magkaroon ng kumplikasyon, maaaari itong mauwi sa pagkasira ng bato, atay, puso, baga at impeksiyon sa utak. Kadalasan ay ang bato ang tinatamaan at umaabot sa kidney failure na nagiging sanhi upang umabot ito sa pagda-dialysis. May 20% ang namamatay kapag tinamaan na ng kidney failure.
Paano maiiwasan ang leptospirosis? Huwag lumusong o maligo sa baha at umiwas sa maruming putikan. Magsuot ng bota at gloves bago lumusong sa baha o tiyaking suot ang klase ng damit o sapatos na nagbibigay proteksiyon mula sa kontaminadong tubig o lupa habang nasa trabaho. Kung hindi talaga maiiwasan ang paglusong sa baha, pag-uwi ng bahay ay maglinis agad ng paa at katawan at magpahid ng alcohol. Ikontrol ang daga sa bahay at kapaligiran. Gumamit ng mousetrap. Linising maigi ang bahay upang hindi pamahayan ng daga at insekto. Gamutin ang sugat sa paa at kamay. Ingatan din ang alagang hayop upang hindi magka-sakit at pagmulan ng bacteria. Agad magpakonsulta sa doktor sakaling makaramdam ng alinman sa mga sintomas lalo na kung higit sa 2 araw na ang lagnat upang malapatan ng agarang lunas.
May benepisyong laan mula sa PhilHealth sakaling ma-diagnose ang sakit na ito. Binabayaran ang sakit na leptospirosis (moderate to severe) sa halagang P11,000 sa levels 1 to 3 hospitals. Sa katunayan, ang kabuuang bilang ng mga claims na binayaran ng PhilHealth para sa sakit na leptospirosis sa taong 2017 ay umabot sa 1,939 samantalang ang kabuuang halaga naman ng binayarang claims ay umabot sa P21,888,000.
Alam ba ninyo na base sa datos na nakalap mula sa aming Corporate Planning Department, mula taong 2013 hanggang 2017, ang kabuuang bilang ng claims para sa leptospirosis sa buong kapuluan ay nasa 8,353 at ang katumbas na halagang binayaran para sa mga claims na ito ay P95,278,920.00. Ganoon pa man, makabubuti po ang mag ingat at nang hindi tamaan ng leptospirosis.
Kung kayo ay may anumang katanungan sa PhilHealth o sa paksang nailathala sa aking kolum, tumawag lamang sa aming 24/7 Corporate Action Center Hotline sa (02) 441-7442, magpadala ng sulatroniko sa [email protected] o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth. Maaari rin ninyong bisitahin ang www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.
Comments are closed.