MULA Enero hanggang Hunyo, higit na sa 1,000 ang kaso ng mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis, at nasa 58 katao ay namatay dahil dito.
Ngayong panahon ng tag-ulan ay isa itong malaking banta sa kalusugan at seguridad ng ating mga kababayan, lalo na para sa mga nakatira o dumaraan sa mga lugar na binabaha.
Kamakailan lamang ay ideneklara ni Department of Health Sec. Francisco Duque ang 10 barangay sa Quezon City, Taguig, Pasig, Parañaque, Navotas, Mandaluyong at Malabon na may leptospirosis outbreak.
Nakababahala ito, dagdag pa rito ang dengue outbreak naman ngayong nag-uuulan, lalo pa na may mga nainiksiyunan ng Dengvaxia na mga seronegative, meaning, maaaring makaranas ng severe dengue ang mga pasyenteng seronegatives na naturukan ng nasabing experimental vaccine.
Ang leptospirosis ay nakukuha sa tubig-baha na may halong ihi ng daga. Napakarumi na ng buong Metro Manila, ang mga imburnal nito ay mistulang basurahan na dahil sa naiipong mga sari-saring basura sa mga ito.
Ako ay lumaki sa lugar na madalas bahain sa Siyudad ng Marikina, ngunit walang ganitong insidente ng pagkakasakit kahit pa nga kaming mga bata ay karaniwang makikitang naglalakad sa mga binabahang kalye.
Ngayon na lamang itong ganitong pagkakasakit, dahil napakarumi na ng Metro Manila, at ito ang paboritong pamugaran ng mga daga.
Marahil bukod sa pagpuksa sa lamok, nararapat na ring pag-aralan ng pamahalaan ang paglipol sa mga daga na kumikitil sa buhay ng ating mga kababayan.
Comments are closed.