HINIKAYAT ni ACT-CIS Cong. Eric Yap ang lahat na magbuklod at magsama para pigilan at labanan ang coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Panawagan ni Cong. yap, “Isantabi po muna natin ang ating mga kulay politika o adhikain sa halip ay magsama-sama po tayo na harapin ang problemang ito na hanggang ngayon ay wala pang gamot na naiimbento.”
“Sa halip na batikusin ang gobyerno dahil sa pag-quarantine sa NCR (National Capital Region), hikayatin natin ang iba na sundin ang utos ng mga kinauukulan para hindi kapitan ng coronavirus,” dagdag pa ni Cong. Yap.
“Nagra-rally ang ilang grupo dahil sa pangambang marami ang mawawalan ng trabaho ang ilan sa atin dahil sa quarantine na ito, pero sa isang banda dapat tingnan din natin kung bakit ipinatutupad ang quarantine,” paliwanag ng bagitong kongresista.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang community quarantine ng NCR simula noong Linggo, Marso 15, hanggang sa 14 ng Abril.
Layon ng naturang quarantine na makontrol ang paglaganap pa ng COVID-19 sa ibang lugar.
Sa ilalim ng quarantine, walang maaaring pumasok o lumabas ng Metro Manila maliban na lamang sa mga nakatira sa labas ng NCR, pero may trabaho rito sa Metro Manila, gayundin ang ilan pang indibiduwal na may mahahalagang gampanin sa paglaban sa COVID-19, gaya ng awtoridad at mga health worker.
Papayagan din naman ang mga maghahatid ng mga basic commodities sa Metro Manila, gayundin ang mga taong nahaharap sa emergency.