CAMP CRAME-NAKARATING na sa Department of Health (DOH) ang letter request ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) para sa independent investigation sa pagkamatay ni Capt. Casey Gutierrez.
Noong Hunyo 8 ay nakatanggap si Cascolan ng acknowledgment letter mula kay Health Usec. Gerardo V. Bayugo, ng field implementation and coordination team, Lead COVID-19 Task Group Response Operations na nasa kanila ang liham para imbestigahan ang aksidenteng pagkalanghap ng hazardous chemical ng doctor cop habang nasa proseso ito ng decontamination protocol sa PSA-Temporary Treatment Facility noong Mayo 24.
Nakasaad din sa liham ng DOH sa PNP na ipinadala na rin sa legal department ang kalatas ni Cascolan.
Magugunitang sinabi ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na nais nila na ang DOH ang manguna sa imbestigasyon bilang independent body sa toxic chemical inhalation na ikinasawi ni Gutierrez.
Bukod kay Gutierrez, may dalawa pang PNP medical corps member ang naaksidente nang ma-isprayan ng disinfectant na masuwerte na-mang nakaligtas. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.