LEVEL OF COORDINATION NG PNP AT AFP SENTRO NG IMBESTIGASYON

SAMAR – PUNTIRYA ng itinatag na 5-Man Board of Inquiry  na malaman kung saan umabot ang koordinasyon ng pulisya at sundalo kung bakit nagkaroon ng friendly fire na nauwi sa pagkamatay ng anim na pulis at pagkasugat ng siyam iba pa ka­makailan.

Ito ang parehong inihayag nina PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde at AFP Chief of staff, Gen. Carlito Galvez na dumalaw sa labi ng mga napaslang na pulis sa bayan ng Sta. Rita.

Inamin mismo ni 8th Infantry Division Commander Major General Raul Farnacio na nakipag-coordinate ang mga pulis sa detachment ng militar sa lugar tatlong araw bago nagpatrolya ang mga ito sa Sta. Rita, Samar noong Lunes.

Sinabi ni Albayalde, aalamin sa imbestigasyon kung  mula bottom to top ang koordinasyon ng pulisya.

Aniya, hindi sapat na sa isang detachment lang makikipag-ugna­yan ang mga pulis dahil maraming unit ng AFP ang nag-o-operate sa lugar.

Nais aniya nilang masagot ang tanong na bakit hindi nakarating sa operating unit ang koordinasyon.

Inamin din ni Alba­yalde na kanilang tini­tingnan ang kanilang communication device na posibleng hindi tugma sa gamit ng AFP.

Isa pang dahilan ay maaaring nawalan ng signal kaya hindi nakarating sa “supposed receiver” ang ibinibigay na impormasyon ng mga pulis.

“Nagiging normal na problema iyan kapag nasa kabundukan na nawawalan ng signal kaya ginagamit na lamang ng mga pulis ang kanilang cellphone subalit hindi rin aniya reliable dahil minsan ay bumabagsak din ang signal.

Samantala, inanunsiyo rin ng dalawang heneral na kanilang hihimayin ang plano ng joint campaign planning, integration at training.     R. SARMIENTO

Comments are closed.