LEYTE- NIYANIG ng magnitude 5.1 earthquake ang lalawigang ito kamakalawa ng gabi na ikinasugat ng walong katao, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Sa datos ng Phivolcs, naramdaman ang lindol bandang alas-8 ng gabi nitong Linggo at naitala ang sentro ng tectonic earthquake sa lalim na isang kilometro, sa munisipalidad ng Leyte.
Sa inisyal na impormasyon mula sa Leyte MDRRMO, may walong nasugatan bunsod ng mga nagbagsakang o mga natumbang bagay sa kasagsagan ng pag-uga.
Sa isinagawang assessment ng MDRRMO, nakitang nagkaroon ng mahabang bitak ang kalsada sa bahagi ng Barangay Ugbon habang may bitak rldin sa dingding ng barangay hall sa Barangay Consuegra.
Bumagsak naman ang ilang bahagi ng fiber cement board na kisame ng isang simbahan at nasira ang isang poste nito pati ang imahe ng Sto. Niño ay nahulog sa pagyanig.
Gayundin, nagkaroon ng rockslide sa Barangay Palid 1 at bumigay ang bahagi ng konkretong dingding sa Barangay Belen at Barangay Libas.
Dahil dito, ayon sa MDRRMO ay suspendido muna ang klase ng mga estudyante sa lahat ng antas at pasok sa trabaho nitong Lunes para bigyan daan ang assessment sa buong bayan .
Ayon sa Phivolcs, maaaring magkaroon ng aftershocks ang lindol na nakapagrehistro rin ng Intensity III sa Alangalang, Carigara, Babatngon, Barugo, Tacloban City, at Ormoc City, Leyte.
Naitala din ang Instrumental Intensity IV sa Carigara, Leyte; Intensity III sa Alangalang at Ormoc City, Leyte; Intensity II sa Calubian, Albuera, Leyte at Intensity I sa Borongan City, Eastern Samar at Bogo City, Cebu. VERLIN RUIZ