LGBT GROUP NAG-RALLY NANG WALANG PERMIT INARESTO

lgbt rally

NAGKAHABULAN muna saka inaresto ang mga tauhan ng Manila Police District o MPD ang 20 miyembro ng (lesbian, gay, bisexual, transgender) group dahil sa paglabag sa illegal assembly at kawalan ng permit para magsagawa ng programa o rally sa Mendiola, Maynila, kahapon, Hunyo 26.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Spokesperson  P/Lt Col Carlo Manuel, nagtungo lamang sa lugar ang mga kapulisan ng District Mobile Force na nakatalaga sa lugar at MPS-PS 8  upang pakiusapan ang mga miyembro ng LGBT dahil sa pinaiiral pa ring community quarantine.

Gayunman, isa sa miyembro ang nag-spray umano sa isang pulis kaya nagkaroon ng komosyon.

Giit ni Manuel, walang balak na arestuhin ang nasabing mga LGBT, ngunit dahil sa hindi pagsunod sa pakiusap ng mga pulis bukod pa sa pag-spray sa isang tauhan ng MPD ay kaya sila dinampot at dinala sa MPD headquarters.

Paliwanag ni Manuel, sa ngayon ay ipinagbabawal pa rin ang pagsasagawa ng assembly o rally dahil iniiwasan ang pagkalat ng virus dahil sa mass gathering.

Ayon naman kay Rey Valmores-Salinas, National spokesperson ng Bahanghari, bagaman wala silang permit ay maayos at mapayapa silang nagsagawa ng programa.

Aniya, bilang bahagi ng Pride Month sila ay nagsagawa ng rally sa Mendiola  kasama ang Gabriela Womens Party, CRC upang maglabas lamang ng saloobin at hinaning kaugnay sa pagkapantay-pantay, ayuda sa lahat ng pamilya, libreng mass testing, pagtutol sa jeepney phaseout na dahilan kaya ang operators at tsuper ay namamalimos na lamang sa lansangan at ang pagtutol nila sa pagpasa ng anti-terror bill.

Giit ni Salinas, sumunod sila sa rules at guidelines ngunit ginulo umano sila saka inaresto ng ng mga pulis. PAUL ROLDAN

Comments are closed.