NILAGDAAN na ni MANILA Mayor Isko Moreno at ganap ng isang batas ang ordinansa na naglalayong pagkalooban ng kabuuang proteksyon ang karapatan ng mga lesbians, gays, bisexuals, transgender, queers and intersex (LGBTQI) laban sa lahat ng uri ng diskriminasyon base sa kanyang sexual orientation, gender identity, expression (SOGIE) at parusahan ang mga lalabag nito sa loob ng lungsod ng Maynila.
Si Moreno ay sinamahan nina Vice Mayor at Council Presiding Officer Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua at President Pro-Tempore at Acting Presiding Officer Ernesto Isip, Jr. nang lagdaan nito ang Ordinance 8695 na iniakda ni Councilor Joel Villanueva at tinawag na, “Manila LGBTQI Protection Ordinance of 2020”.
Ayon sa alkalde sa ilalim ng bagong batas, walang sinumang LGBTQI ang makakaranas ng anumang uri ng diskriminasyon, at binigyang diin na sa Maynila, ‘we are all equal under the law.’
Idinagdag pa ni Moreno na ang ordinansa na nagbibigay proteksyon sa LGBTQI sa kanilang workplace, paaralan at social media, at iba pa ay kaisa sa layunin ng pamahalaan na maging ‘inclusive’ sa lahat ng posibleng paraan at upang maiwasan din ang anumang uri ng bullying.
Ang bagong lokal na batas na kabilang sa inamyendahang tungkulin ng bawat barangay ay ang pagkakaroon ng LGBTQI Desk na tatanggap ng reklamo at mag-aasikaso nito upang matiyak na maalagaan ang karapatan at interes ng naargabyadong miyembro ng LGBTQI community, kabilang na dito ang pagdodokumento ng anumang pisikal, emosyunal o sikolohikal na pang-aabusong ginawa sa laban LGBTQI.
Sa loob ng tatlong taon mula sa pagpasa ng ordinansa, ay oobligahin na magkaroon ng gender- neutral toilets sa loob ng lavatory o comfort room ang mga restaurants, bars, stores, movies houses, shopping malls at iba pang katulad na business establishments na bukas para sa general public para magamit din ng members ng LGBTQI community. Ang probisyon para sa nasabing toilets ay gagawing isang kundisyon kapag magre-renew ng business permits ang mga nasabing establishments.
Sa mga mas malalaking establishments, kung saan maraming lavatories o comfort rooms sa bawat palapag, magkakaroon ng designation kung saang palapag naroon ang gender neutral toilets.
Sinumang LGBTQI na nalabag ang karapatan ay maaring magharap ng reklamo sa barangay kung saan nakatira ang biktima. Kung ang in-sidente ng paglabag ay naganap na sa workplace, schools, universities at kaparehong lugar, ang reklamo ay dapat na isampa sa barangay na nakakasakop ng lugar kung saan ito naganap.
Ang mga mapapatunayang lalabag ay magmumulta ng hindi bababa sa P 1,000 at kulong ng six months o pareho depende sa desisyon ng korte para sa unang paglabag; kulong ng six months at isang araw hanggang eight months para naman sa ikalawang paglabag at para sa ikatlong paglabag, kulong ng eight months at isang araw hanggang isang taon. Ang mga paulit-ulit na lalabag ay may kaparusahan namang kulong isang taon at multang hindi bababa P5,000.
Maliban pa sa kaparusahan ay kailangan ding sumailalim sa human rights education ng MGSDC sa panahong itatakda ng korte ang mga la-labag. Sa kaso ng mga corporations, partnerships, associations at iba pang juridical persons, ang mga opisyal ang direktang mananagot.
Ang nilagdaan ordinansa ay nagbibigay daan din sa pagbuo ng Manila Gender Sensitivity and Development Council. (MGSDC) na siyang responsable sa implementation ng anti-discrimination programs, integrate and synchronize programs, projects and activities para sa LGBTQI community.
Sa loob ng 60-araw mula sa pagkakaroon ng bisa ng ordinansa, ang MGSDC ay bubuo ng Implementing Rules and Regulations and guidelines matapos ang konsultasyon sa mga multi-sectoral groups at stakeholders na bubuin ng mga eksperto at kinatawan ng ibat-ibang sektor tulad ng civil society, LGBTQI, non-governmental organizations, LGBTQI organizations at community-based organizations. VERLIN RUIZ
Comments are closed.