LGU BINALAAN VS 7 METER STORM SURGES

HINIKAYAT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang lahat ng residente ng low-lying at coastal areas ng 23 lalawigan at Metro Manila na maghanda para sa storm surges na maaaring umabot ng lima hanggang pitong metro.

“Hindi po biro ito EVACUATE NOW!”giit ni Remulla sa isang Facebook post.

Inatasan din ng DILG chief ang kaukulang mga alkalde at punong barangay na gawing prayoridad ang agarang mandatory preemptive evacuations ng at-risk communities sa storm surge areas.

“Ngayon pa lang ay may pakiusap na kami sa lahat ng coastal barangays sa mga lalawigan na ilisan na ang mga tao sa lugar na mula sampung metro sa dagat. Ang storm surge na posible mangyari ay lagpas bahay ang pasok ng dagat sa baybayin,” ani Remulla.

Ipinalabas ni Remulla ang direktiba sa local chief executives alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Biyernes.

Ayon sa pinakabagong PAGASA Storm Surge Warning na ipina­labas nitong Sabado, alas-2 ng madaling araw, nagbabadya ang storm surge na may peak heights na lampas 3.0 m sa susunod na 48 oras sa ilang lugar sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Cavite, Batangas, Marinduque, Masbate, Isabela, Aurora, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Eastern Samar, Northern Samar, at Samar.

EVELYN GARCIA