INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Pasay katuwang ang SM Supermalls sa pamamagitan ng memorandum of agreement ang Business One Stop Shop o BOSS nitong Lunes, Disyembre 6.
Lumagda sa isang kasunduan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at SM Supermalls president Steven Tan para sa paggamit ng General Services Express (GES) sa loob ng limang taon kung saan isasagawa ang aplikasyon para sa occupational permit na matatagpuan sa ikalawang palapag ng SM Mall of Asia (MOA).
Ang itatayong one-stop shop ay pangangasiwaan ng isang team na binubuo ng mga tauhan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO), City Treasurer’s Office at ng City Health Office (CHO).
Sa panig naman ni BPLO officer-in-charge (OIC) Mitch Pardo, ang one-stop shop para sa occupational permit ay agad na sisimulan pagkatapos ng pagsasagawa ng aplikasyon at renewal ng business permit sa darating na Pebrero.
Sinabi ni Pardo na hindi sila makapagsagawa para sa aplikasyon at renewal ng business permit sa GES dahil sa limitadong espasyo sa lugar at masiguro ang basic health protocols ay nasusunod upang hindi na kumalat pang muli ang COVID-19.
Ani pa Pardo, ang pag-iisyu ng occupational permit ay magtatagal lamang ng 10 hanggang 20 minutong paghihintay.
Idinagdag din ni Pardo na ang kailangang dalhin na dokumento ng mga aplikante ay ang kanilang police at National Bureau of Investigation (NBI) clearance pati na rin ang kanilang laboratory results na ipapakita sa nakatalagang tauhan ng CHO sa one-stop-shop bago sila maisyuhan ng medical certificate. MARIVIC FERNANDEZ