MAHIGPIT ang naging babala kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa local executives at tauhan nito at maging ang publiko laban sa mga sindikato na nagpapanggap na empleyado o opisyal ng ahensiya.
Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, sunod-sunod ang kanilang natatanggap na reports mula sa regional at field offices kaugnay sa text messages at tawag mula sa mga kahina-hinalang tao.
Lumabas sa pagsisiyasat na may mga nagpapanggap na senior officials ng DILG at nanghihingi ng pera sa mga barangay sa iba’t ibang lungsod para sa ayudang ibibigay ng pamahalaan sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Aminado si Malaya na maging siya ay naging biktima dahil ilang ulit na umanong ginamit ang pangalan niya para maka-panloko.
“Pinapayuhan po natin ang ating mga LGUs at ang publiko na mag-ingat sa mga walang hiyang mandurugas na sindikato na nagpapakilalang taga DILG at nangingikil ng pera kapalit ng umano’y ayuda,” giit ni Malaya.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Malaya ang opisyal ng LGUs na hindi nanghihingi ng pera ang ahensiya sa kahit sinong al-kalde, vice mayor o kapitan kapalit ng serbisyo publiko.
Partikular na tinukoy ni Malaya, ang ginawang modus operandi kay Tuburan, Cebu Mayor Danilo Diamante na hiningan ng pera ng caller na gagamitin para ipambayad sa shipping fee ng 1,500 kaban ng bigas na ipamimigay naman sa naturang siyudad.
Bunsod nito inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detec-tion Group (PNP_CIDG) na tutukan ang nasabing modus upang matigil na ang pambibiktima sa mga local executive.
Paalala pa ng opisyal, dapat maging maingat ang publiko sa mga ganitong sindikato at beripikahin ito sa kanilang ahensiya oras na may kahina-hinalang tao na lalapit sa kanila at magpapakilalang empleyado ng DILG. VERLIN RUIZ
Comments are closed.