(LGUs hinimok) TAMANG PAGTATAPON NG FACE SHIELD

HINIMOK  ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles ang mga lokal na pamahalaan na itapon ng maayos ang mga face shield na hindi na gagamitin.

Ayon kay Nograles, gabundok na ang problema ng bansa sa basura kaya hindi na dapat dumagdag pa sa problema ang hindi tamang pagtatapon ng face shield na hindi na mandatong gamitin sa mga transportasyon o establisimyento sa mga lugar na nasa Alert level 1 hanggang 3.

Dagdag ng kongresista, hindi sapat na sabihing itago o gamitin na lamang ito sa ibang bagay o ‘di kaya’ iasa sa mga kabahayan ang pag-reuse o recycle ng fave shield dahil ang kailangan ay makipagtulungan ang mga local government unit sa mga plastic firm para ma-recycle ito nang tama.

Suhestiyon pa ni Nograles, maaaring magsagawa ang mga LGU ng mga pagtuturo sa tamang pagre-recycle at muling paggamit nito gaya ng parol o belen making activity lalo’t nalalapit na ang Pasko.

Batay sa tala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), tinatayang 65 milyong face shield ang ginagamit araw araw mula sa 21.8 milyong kabahayan sa buong bansa.