INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes ang local government units (LGUs) na paigtingin ang paghikayat sa kanilang mga residente na magparehistro para sa national ID.
“We again call on LGUs, especially the barangays, to extend their full support to the President and the Philippine Statistics Authority (PSA) in the National ID campaign,” pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Batay umano sa datos ng PSA, 75.3% o 69.254 milyon lamang sa 92 milyong target na nagparehistro ang nag-sign up para sa PhilSys.
“Enjoin your constituents to get a National ID for easier validation and authentication of identity in their transactions with government offices, banks, and other private entities,” anang kalihim.
Pinayuhan ng DILG chief ang mga barangay captain na magpakalat ng mga printed at electronic materials, magsagawa ng roving announcement, at magbigay ng updates mula sa opisyal na Philippine Identification System (PhilSys) social media pages.
Ang panawagan ng DILG ay bilang tugon sa ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo na pabilisin ang paghahatid ng halos 50 milyong ID sa pagtatapos ng 2022. EVELYN GARCIA