LGUs ISINAILALIM SA ORIENTATION SA PAGPAPATUPAD NG UNIVERSAL HEALTH CARE

Dr Eduardo Janairo

PINANGUNAHAN ng Center for Health Development Calabarzon ng Department of Health (DOH) ang Preliminary Planning Workshop para sa mga Local Chief Executives kaugnay ng Universal Health Care (UHC) sa Heritage Hotel, Pasay City.

Sa isang panayam kay DOH-Calabarzon Regional Director Dr. Eduardo Janairo,  sinabi nitong layon ng naturang orientation na maisailalim ang mga local na opisyal sa pagpaplano kaugnay ng pagpapatupad ng Universal Health Care sa kani-kanilang mga probinsiya.

Sa pamamagitan nito ay makabubuo ang mga alkalde at committee on health ng mga probinsiya ng kanilang mga local health board na inaasahang maipatutupad bago sumapit ang Disyembre ng kasalukuyang taon.

Napag-alamang may nakalaang pondong nagkakahalaga ng P200 bilyon ang pamahalaan para sa pagsasakatuparan ng Universal Health Care sa buong bansa.

Kabilang naman sa mga tinalakay kahapon  sa nasabing aktibidad ay ang kasalukuyang public health structure ng bansa, Univer-sal health Care Law, at Integration Mo­dels sa ilalim ng UHC, Health system simulation at Social Determinants of Health.

Kasunod nito, nakatakda namang magsagawa ngayong araw, Hulyo 12, ng orientation para naman sa mga stakeholders para sa planning ng UHC sa mga non-go­vernment organizations (NGOs). BENEDICT ABAYGAR, JR.