PINAG-DODOBLE INGAT ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang local government units (LGUs) kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa huling tala ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 20 kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa.
“Nananawagan tayo sa ating local government units na maging mapagbantay sa harap ng mga panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa,” ani Tolentino, chairman ng Senate Committee on Local Government.
“Local government units must mobilize all of their concerned offices and barangays to effectively monitor and address possible cases of COVID-19,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Tolentino, mahalaga ang kooperasyon ng LGUs sa paglutas ng anumang uri ng problema sa tuwing may krisis na base umano ito sa kanyang karanasan bilang dating anti-disaster czar sa bansa.
Kasabay nito, nagsumite rin ang senador ng resolusyon upang hikayatin ang Mataas na Kapulungan na magsagawa ng inquiry para bumuo ng emergency stimulus package na tutugon sa posibleng impact ng COVID-19 sa domestic tourism sa bansa.
Binigyang-diin ni Tolentino, kailangan ang stimulus package lalo pa’t 80 porsiyento ng turismo sa bansa ay binubuo ng micro, small, at medium enterprises, na posibleng malugi dahil sa pagkalat ng COVID-19.
“There is a need to assist the tourism industry not just to support the affected establishments, employers, and employees to maintain the country’s economic growth, but also to ensure that safety measures are in place to prevent the spread of the virus. The time to act is now before it becomes too late,” diin ni Tolentino. VICKY CERVALES
Comments are closed.