TULAD ng ibang lungsod sa National Capital Region o NCR kung saan nagtaasan ang bilang ng kaso ng COVID cases sa kani-kanilang lugar ay nabahala rin ang mga lokal na pamahalaan ng Pasay at Muntinlupa bunsod ng mabilis na pag-angat ng bilang ng virus sa kanilang mga lugar na nasasakupan.
Sa Pasay City, nito lamang Hulyo 4 ay naglabas ng datos ang City Health Office (CHO) kung saan nakapagtala lamang ang lungsod ng apat na kaso ng COVID-19 ngunit makaraan lamang ng apat na araw (Hulyo 8) ay muling naglabas ng datos ang CHO na umabot na sa 23 ang bilang ng kaso ng virus sa lungsod.
Sa datos nitong Hulyo 8 ay nakapagtala ng kabuuang 28,977 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang lungsod kung saan 28,367 sa mga ito ay nakarecober na at tuluyang gumaling habang 587 naman ang mga namatay sa virus.
Maagap namang nanawagan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga residente ng lungsod na sumunod sa patuloy na pagpapatupad ng mga health protocols gayundin ang pagpapabakuna ng una at ikalawang dose pati na rin ng booster shots kontra COVID-19 upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng kaso ng virus para na rin sa kanilang proteksyon sa kalusugan.
Gayundin ang sitwasyon sa Muntinlupa na higit na mataas ang bilang ng kanilang aktibong kaso ng COVID-19 na umabot na sa 108 matapos madiskubre na mayroon nang Omicron subvariant cases sa bansa.
Sa datos ng Muntinlupa CHO nitong Hulyo 9 ay nakapagtala ang lungsod 32 bagong kaso ng COVID-19, 27 pasyente na mga nakarecover at wala namang naitalang namatay.
Sa naitalang 108 aktibong kaso, 23 dito ay naitala sa Barangay Cupang na sinundan ng Barangay Tunasan na mayroong 19 kaso; mayroong tig-18 kaso ang mga barangay ng Ayala-Alabang at Alabang; 11 kaso sa Barangay Poblacion; walo sa Barangay Putatan; pito sa Barangay Sucat; apat sa Barangay Buli at dalawang kaso naman sa Barangay Bayanan.
Sa kabuuan ay nakapagtala ang Muntinlupa ng 40,508 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 39,782 sa mga ito ay nakarecover na habang 618 naman ang mga namatay.
Sa gitna ng pagtaas ng kaso sa lungsod ay pinaalalahanan na rin ang lokal na pamahalaan ang mga residente ng lungsod na sumunod sa minimum public health standards mabilang na dito ang tamang pagsusuot ng face masks kasabay ng panghihikayat na magpabakuna na isang pamamaraan upang malabanan ang COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ