LGUs NAGPULONG PARA LABANAN ANG EL NIÑO

El Niño-1

ISABELA – NAGSAGAWA ng El Niño Forum sa Kapitolyo ng Ilagan City bunsod ng tumitinding epekto ng tag-init sa mga pananim at matalakay ang mga paraan kung paano  maiwasan ang epekto nito.

Ayon kay Provincial Agriculturist Angelo Naui, may mga natanggap na silang report hinggil sa mga naapektuhang palay at mais dahil sa kawalan ng pag-ulan.

Karamihan sa mga naapektuhang tanim na palay ay ang mga sakahan na umaasa lamang sa tubig-ulan at malayo sa irigasyon.

Unang inihayag ni Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Echague na naipabatid na sa mga municipal at city agriculturist sa Isabela ang kanilang forecast tungkol sa nararanasang El Niño at impormasyon na kailangang gawin para makapaghanda ang mamamayan.

Isasagawa rin anumang araw ngayong Marso ang cloud seeding operation ng Department of Agriculture (DA) para matulungan ang mga magsasaka ngunit suliranin pa ang kawalan ng cloud formation.

Susuriin din nila ang mga water pump na ginamit sa mga nagdaang tagtuyot para magamit muli ngayon. BENEDICT ABAYGAR

Comments are closed.